DALAWANG bumbero at isang retiradong pulis ang nasawi habang di bababa sa pito katao ang nasugatan nang salpukin ng pampasaherong bus ang isang utility vehicle sa Lopez, Quezon, Biyernes ng gabi.
Dead on the spot sina FO3 Ronaldo Alcala, SFO2 Cleto Nataño, at retired police Insp. Juanito Untiveros, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Kabilang sa mga sugatan ang kasama nilang si Roderick Odi, tauhan din ng Bureau of Fire Protection.
Sugatan din ang government employee na si Reynold Talain; estudyanteng si Aimee Lerum, 19; Marlex Mendegorin, 20; Dandy Severa, 21; Ariel Cris Principe, 22; at Lenon Earl Tagulinao, 19, pawang mga pasahero ng P&O passenger bus na sangkot sa salpukan.
Naganap ang insidente dakong alas-9:40, sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Pansol.
Tinatahak nina Alcala, Nataño, Untiveros, at Odi ang direksyon patungong Bicol lulan ng Mitsubishi Adventure (WGC-954) nang ang sasakya’y masalpok ng P&O bus (UYD-646) na dala ni Julio Mayores.
Sa lakas ng impact ay napinsala ang Adventure, na minaneho ni Alcala, at naitulak pa ito patungo sa Nissan Urvan VX (AAO-3398) na dala ng isang Senen Regencia, pati na sa isang bahay sa gilid ng kalsada.
Itinakbo ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at BFP ang mga sugatan sa ospital.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na inunahan ng bus ang isa pang sasakyan sa isang kurbada, hanggang sa nasalpok ang kasalubong na Adventure.
Ayon naman sa isang ulat sa radyo, ang mga bumberong sakay ng Adventure, pawang mga residente ng Tagkawayan, Quezon, ay galing sa Camp Vicente Lim, Laguna, kung san sila nagsumite ng mga requirement para sa promotion.
Sumama sa kanila ang 71-anyos na si Untiveros, residente din ng Tagkawayan, para naman magpa-proseso ng pensyon, ayon sa ulat.