Jo Berry waging Most Promising Female Star For TV


TUWANG-TUWA at hindi pa rin makapaniwala ang little Kapuso actress na si Jo Berry na meron na agad siyang award kahit halos isang taon pa lang siyang nasa mundo ng showbiz.

Kinilala ang Onanay lead star ng 50th Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF) bilang Most Promising Female Star For Television. Ito’y dahil sa natatanging pangganap niya bilang nanay nina Mikee Quintos at Kate Valdez sa GMA Telebabad series na Onanay.

Sa kanyang Instagram account, nagpasalamat si Jo sa lahat ng mga taong nagtiwala sa kanya lalung-lalo na ang mga bossing ng GMA na nagbukas ng oportunidad sa kanya para maging isang aktres sa kabila ng kanyang kakulangan sa height.

“Maraming salamat po sa bumubuo ng 50th Box Office Entertainment Awards sa GMA na nagbigay sa akin ng oportunidad, sa pamilya at mga kaibigan ko na laging nakasuporta, sa Onanay fam at sa lahat po ng buong pusong tumanggap kay Onay. Mahal ko po kayo,” ang mensahe ni Jo sa lahat ng sumusuporta sa kanya at sa seryeng Onanay.

Samantala, sa huling tatlong linggo ng serye, napakarami pa raw mangyayari sa kuwento ni Onay at ng dalawa niyang anak na sina Maila (Mikee) at Natalie (Kate). Ngayong si Maila naman ang nasa panganib matapos itong ipakidnap ni Helena (Cherie Gil), makikipakasundo si Natalie kay Helena para sa kaligtasan ng kanyang kapatid.

Nagbanta si Helena na hinding-hindi magiging masaya si Onay kaya ipapapatay niya si Maila. Patuloy na subaybayan ang Onanay pagkatapos ng Kara Mia.

 

Read more...