Kapag may alam, mahirap maloko!

SA kagustuhan ng ating mga kababayan na makapagtrabaho sa abroad, determinado silang gawin ang lahat, makaalis lamang ng bansa.

At sa kagustuhan din naman ng ilan nating mapagsamantalang mga kababayan, determinado rin silang gagawin ang lahat, makapanloko lamang at makapang-biktima ng mas marami pa nating mga kababayan.

Dalawang klase lang talaga ang tao sa mundo. May isang manloloko at ang isa naman, nagpapaloko.

Sa panahon natin sa ngayon, palaging may advantage ang pagkakaroon ng mabilis at makabagong teknolohiya.

Ang dati-rati kasing mga impormasyon na napakahirap kunin, ngayon isang pindot na lamang ng ating mga daliri, naririyan na kaagad. Kaya naman maging ang ating pamahalaan, naalarma rin sa walang patumanggang paggamit ng ating mga kababayan ng teknolohiyang ito. Mabuti sana kung responsable silang gumagamit nito.

Isa pa wala na ring pinipiling lugar ang panloloko. Kahit kasi nasa loob ng sariling mga tahanan, posible pa ring mabiktima sila ng mga manlolokong ito.

Tulad na lamang ng mga illegal recruiter. Level up na rin ang kanilang pambibiktima gamit ang Internet.

May napapanahong panawagan si Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) hinggil dito. Pinag-iingat niya ang mga nurse sa mga nag-aalok ng trabaho papuntang Germany sa pamamagitan ng online application.

Naglipana o nagkalat na naman kasi ang mga illegal recruiter. May nakitang website ang POEA ng pinatatakbo ng mga illegal recruiter na ito at nagrerecruit ng mga nurse papuntang Germany.

Babala ni Admin Olalia, huwag silang magsusumite ng kanilang mga dokumento at impormasyon sa pamamagitan ng online.

Ayon pa kay Olalia, may triple win project na umiiral kung saan may kasunduan ang German Federal Employment Agency at ang POEA hinggil sa tamang pagpopro-seso ng pagpili at pagpapadala ng mga nurse sa Germany.

Sa ilalim ng naturang proyekto, na mismong ang pamahalaan ng Germany ang siyang naglunsad, tatlo ang nagbebenepisyo sa programang ito. Ang bansang pinanggalingan, ang employer ng nurse, at ang mismong nurse na magtutungo sa Germany upang madali siyang makapag-adjust sa lipunang gagalawan.

Payo ni Olalia, sa halip na kung saan-saan nag-aapply ang isang OFW, magtungo na lamang ito sa Manpower Registry Division ng POEA.

Kasabay nito, hinikayat niya ang ating mga kababayan na mag report sa POEA hinggil sa anomang ilegal na mga gawain ng isang recruiter, o maging ng mga recruitment agency kahit naturingang legal pa ang mga ito.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...