Mayorya ng Pinoy, Indonesian domestic helper sa HK 13 oras kung magtrabaho kada araw

MAYORYA ng mga Pinoy at Indonesian domestic helper sa Hong Kong ang nagtatrabaho ng 13 oras kada araw.

Sa isang university survey, nadiskubre na karamihan ng mga banyagang domestic helper sa Hong Kong ay pinagtatrabaho ng mahigit sa 13 oras araw-araw.

Tinanong ng Chinese University of Hong Kong Research Center on Migration and Mobility ang mahigit 2,000 kasambahay na Pinoy at Indonesian sa lungsod.
Isinagawa ang survey noong 2017.
Base sa survey, 61.7 porsiyento ng 2,017 helper ang nagtatrabaho mula 13 oras hanggang 16 na oras kada araw.
Samantala, 8.9 porsiyento naman ang nagsabi na nagtatrabaho sila ng mahigit 16 na oras, samantalang 26.5 porsiyento ang nagtatrabaho ng siyam na oras hanggang 12 oras kada araw.
Napag-alaman din ng center na 5.6 porsiyento ng mga helper ang hindi binibigyan ng day off kada linggo na “a violation of standard employment contract.”
Tinatayang 20 porsiyento naman ang nagsabi na hindi nila nakuha lahat ang 12 holida.
Umabot naman sa 43 porsiyento ang nagsabi na may sarili silang kuwarto sa bahay ng kanilang amo.

Napag-alaman din na apat na porsiyento sa mga kasambahay ang nakaranas ng pisikal na pang-aabuso ng kanilang mga employer.
Sinabi naman ni professor Roger Chung Yat-nork na posibleng mas mataas ang datos.

“Some people would find this question too sensitive. It is safe to say that some people may refrain from telling the truth,” ayon pa kay Yat-nork.

Tinatayang aabot sa 370,000 ang mga banyagang kasambahay na nagtatrabaho sa Hong Kong, base sa datos mula sa Hong Kong employment agency HL&C Employment Agency Ltd noong Enero. Sa kabuuang 370,000 helper, tinatayang 200,000 ay mga Pinoy at 160,000 ay Indonesian.

Read more...