ANG masama ay itinatago sa mabulaklak na mga salita. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gen 1:1-20, 2:4; Sal 8:4-9; Mc 7:1-13) sa kapistahan ni Santa Febronia, Martes ng ika-5 linggo ng taon.
Mabulaklak ang mga salita ng Comelec na magiging malinis at maayos ang halalan sa Mayo. Lokohin ninyo lelang ninyo. Ang kasamaan ng Smartmatic ay nariyan pa rin at dahil sa mabulaklak na mga termino ng computer, na di gets ng masa. Kaya maraming bansa na gumamit ng Smartmatic ay bumalik sa manual counting. Simple: di nakita ng botante ang pagbibilang ng boto nila. Nawala ang transparency.
Bukod sa maraming mali, tulad ng naganap sa US, madali’t mabilis ang pandaraya, tulad nang iginigiit ni Bongbong Marcos. Dalawang eleksyon pumalpak ang Technical Evaluation Committee (TEC). Sa Mayo, pinalitan na lang ito ng Pro V&V Inc. Di pa rin nakumpleto ang audit sa accuracy ng Automated Election System software, hardware at comsys (communications systems). La lang.
La lang din ang implementing rules and regulation, na 10 taon nang nakabimbin simula nang isabatas ang RA 9369. Wala pa ring IRR sa Mayo. Bukod dito, mismong Comelec ay natawa sa P3 gastos ng kandidato sa bawat botante. Kung bibigyan na lang ng kandidato ang botante ng P3, ibabalibag sa kanya ito. Sa tagal ng panahon, di nagkusa ang Comelec na hilingin sa Kongreso na itaas ang halaga ng gastos sa bawat botante para mas madali nilang magigipit ang kalaban at kakasuhan ng labis na paggasta (kapag P5 ang ibinigay sa kandidato, overspending na).
Mabulaklak din ang resulta ng mga survey, na minana lang ng SWS, Pulse, atbp., kay Pilato. Naniwala si Pilato sa survey kaya pinakawalan si Barabbas at ipinapako sa krus si Kristo. Hayun, bumagsak ang imperyo. Sa pakikinig ng mabulaklak na salita ng mga politiko, nagpapalakpakan pa ang mga tao. Pinapalakpakan ang nasa likod ng mabulaklak na salita: ang kasamaan.
May kamay ang Diyos sa bawat halalan at ito ay nakapatong sa kandidatong walang perang pambili ng boto, walang pambayad sa survey firms at anunsiyo sa media; tulad nina Nemesio Prudente, Haydee Yorac at Rodrigo Duterte. “Huwag mong tingnan ang kanyang itsura o taas… Di pareho ang tingin ng tao… Nakakakita ang tao sa pamamagitan ng kanyang mata pero ang puso ang nakikita ni Yawe.” 1 Sam 16:7. (Ang pagiging “marahas” ni Duterte ay ibang tema; sa ibang panahon).
Kasama ang Senado sa nagpadumi sa Manila Bay, ayon sa Laguna Lake Development Authority. Maaaring ang dumi mula sa bituka’t pantog ng mga senador ay humalo na rin sa itim ng Manila Bay. Bakit hindi tinutunton ang dumi ng Malacanang, gayung mas maitim ang Pasig River kesa Manila Bay? Bakit walang tala ng coliform sa bahagi ng ilog sa Malacanang gayung mas madaling sukatin ito dahil di naman mahaba ang espasyong susuriin? Baka mas malala pa ang dumi ng Malacanang kesa dumi ng Manila Bay.
Katabi ko sa hanay si Armida Siguion-Reyna sa Malacanang at sa kanyang kaliwa ay si Eddie Romero. Ang giit ni Tabako, positive films. Ang sagot ni Armida, na kami lamang nina Eddie at Teresita Ang See ang nakarinig: ikaw (Tabako) ang mag-produce. Ang pelikula ay di dapat dinidiktahan ng pangulo. Kay Armida, ang nega films ay salamin ng lipunan.
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Gasak, Meycauayan, Bulacan): Marami pala ang seniors na napipilitang magtrabaho o kumita kahit konti para lamang itaguyod ang kanilang mga apo. Sa umpukan, napakalupit naman ng mga anak na pati ang pagkain ng mga musmos ay iaasa pa sa matatanda. Ang isang lola, binuhay na niya ang kanyang mga anak noon, binubuhay pa rin niya ang kanyang mga apo ngayon. Hindi naman nagkulang ang relihiyosang lola, nademonyo lang ng lipunang Satanas ang anak.
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Banca-Banca, San Rafael, Bulacan): Kaunlaran ng paligid? Hindi. Dapat mauna ang kaunlaran ng bulsa. Lumang teyorya na raw ang solusyon ng politiko na kaunlaran ng paligid bago ang bulsa. Ang dapat daw ay magkapera muna ang taumbayan sa pamamagitan ng trabaho o negosyo; saka uunlad ang paligid. Teyorya o makatotohanan lamang sila?
PANALANGIN: Panginoon, maghari ka sa puso ng Comelec at mga kandidato sa panahon ng kampanya. Santa Apolonia, ipanalangin mo kami.
MULA sa bayan (0916-5401958): Noong nanuntok sa Inday, binatikos ng mga politiko sa Imperial Manila. Ngayon, nakadikit sila kay Inday. Anyare? …6799, San Isidro, General Santos City