Kilalang male celebrity naghihirap na raw, nagta-taxi na lang kapag umaalis ng bahay

MARAMING dahilan ang aming source kung bakit masinop sa pananalapi ang isang male personality na sinuwerteng mas umangat ang pangalan dahil sa isang pelikulang pinilahan sa takilya.

Kailangan talaga niyang mag-ipon para matupad ang kanyang mga pangarap. Lumaki sa payak na buhay ang male personality, salat ang kanyang pamilya sa pananalapi, pangarap niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga mahal sa buhay.

Kuwento ng aming source, “Nu’ng last Christmas, e, kapansin-pansin ang bahay nila na walang mga ilaw.

Magagarbo ang dekorasyon ng mga kapitbahay nila, pero ang bahay nina ____ (pangalan ng kilalang lalaking personalidad), e, parang hindi pinagdaanan ang Pasko.

“Wala silang mga Christmas lights, pero may nakabitin namang parol sa bintana nila, kaya ang kuwentuhan sa community nila, e, naghihirap na ang male personality.

“Walang katotohanan ‘yun. Puwede niyang palibutan ng mga ilaw ang buong kabahayan nila, meron siyang pambili, pero hindi talaga niya ginawa ‘yun dahil may pinag-iipunan siya.

“Malaki kasi ang matitipid niya sa kuryente kapag ganu’n. Kahit nga sa mga appliances nila sa bahay, bantay-sarado rin siya sa pagpapaandar. Hindi siya kuripot, hindi rin totoong wala na siyang pera, masinop lang siya sa datung!” pagtatanggol sa male personality ng chikadora naming source.

Kahit sa paggamit ng sasakyan ay tipid din ang male personality. Matindi ang trapik, malakas ‘yun sa gasolina, kaya meron siyang naiisip.

“Kung wala rin naman siyang taping o shooting, namamasahero na lang siya. Bakit, ang dami-dami namang bumibiyaheng taxi mula sa lugar nila hanggang sa pupuntahan niya, di ba?

“Hindi na siya gumagamit ng kotse, malaking bagay ‘yun para sa pag-iipon niya, umaalis na lang siya nang maaga sa bahay para makarating siya on time sa kompromiso niya.

“Ganu’n siya kaseryoso sa pag-iipon, pinahahalagahan niya ang bawat pisong kinikita niya. At kitang-kita naman na gumaganda na ang buhay nila. Maayos na ang pamilya niya ngayon.

“Kitang-kitang mahal niya ang family niya, kitang-kitang marami siyang pangarap para sa mga mahal niya, kitang-kitang kaya niyang tiisin ang lahat, matupad lang ang mga pangarap niya,” pagbibigay pa ng clue na pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kitang-kita n’yo na ba kung sino ang matipid na male personality na ito?

Read more...