Mga Laro Sabado (Pebrero 16)
(Ynares Sports Arena, Pasig City)
3 p.m. Opening Ceremony
4 p.m. UVC vs Foton
6 p.m. Sta. Lucia vs Generika-Ayala
MATINDING volleyball action ang muling masasaksihan sa pagsambulat ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayong Sabado, Pebrero 16, sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
Magkakasukatan ang Generika-Ayala at Sta. Lucia ganap na alas-6 ng gabi habang ang two-time champion Foton at United Volleyball Club (UVC) ay magsasalpukan dakong alas-4 ng hapon sa pagbubukas ng prestihiyosong women’s club tournament na katuwang ang ESPN5 at 5Plus bilang mga broadcast partner.
Bago ito ay magsasagawa ang walong kasaling koponan ng parada mula sa Oranbo Barangay Hall patungo sa venue kasama ang MFBD Marching Band.
Inimbitahan naman sina Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. president Peter Cayco at Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas para magbigay ng talumpati habang bubuksan ni PSL chairman Philip Ella Juico ang mga laro.
Papasok sa laro ang Generika-Ayala na mataas ang moral matapos ang impresibong kampanya sa nakalipas na All-Filipino Conference sa torneong suportado ng Asics, Mikasa, Mueller, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Hotel Sogo at Data Project.
Ang Lifesavers, na hinawakan ni head coach Sherwin Meneses at pinamunuan nina Marivic Meneses, Fiola Ceballos at Patty Orendain, ay nagawang makapasok sa semifinals bago tuluyang pinatalsik ng F2 Logistics.
Ipaparada ni Meneses ang open spiker na si Nikolle del Rio ng Brazil at middle blocker na si Kseniya Kocyvit ng Azerbaijan sa hangarin nitong makaabante sa finals sa unang pagkakataon matapos magkampeon noong 2014.