SAKTO ang pagbabalik ni Marco Gallo sa Pilipinas. Ipalalabas na kasi ang huling pelikulang natapos niya bago siya umalis noon ng bansa, ang “Blandina” ni Karla Estrada na idinirek ni Jerry Sineneng handog ng Star Cinema.
Tanda namin nang bumisita kami sa taping ng pelikula sa Bulacan ay nakatsikahan namin si Marco at dito nga niya inaming close friends sila ni Juliana Gomez, ang anak nina Ormoc City Mayor Richard Gomez at Cong. Lucy Torres.
Nabanggit pa noon ng batang aktor na plano niyang magbakasyon sa Italy hanggang sa nagpaalam na nga siya pagkatapos ng kanilang shooting na babalik na siya for good sa nasabing bansa para tapusin ang pag-aaral.
Pero wala pang isang taon ay bumalik na ulit si Marco at sinabing for good na siya rito sa Pilipinas at nang makausap siya ng ilang entertainment reporters at bloggers ay may pasabog agad ang binata – inbuong-ningning niyang inaming naging girlfriend niya si Juliana at maayos naman daw silang naghiwalay.
Kamakailan ay may nabasa kaming plano raw uling ligawan ni Marco ang nag-iisang anak nina Richard at Lucy.
Hmmmm, ginagamit nga ba ni Marco si Juliana para sa promo ng “Blandina?” tulad ng sinasabi ng mga bashers sa social media?
Sana naman hindi, dahil mas maganda pa ring kumita ang “Blandida” dahil sa ganda nito at hindi sa mga personal issue ng mga artistang involved sa project.
Anyway, mas magandang pagbutihin na lang ni Marco ang pag-arte niya para dumami pa ang kanyang projects ngayong nagdesisyon na siyang manatili sa bansa for good.