NASAWI ang isang lalaki at sugatan ang kanyang asawa nang pagtatagain ng kanilang anak, sa Negros Occidental nitong Martes.
Matapos mapatay ang 55-anyos na amang si Helardo Benarao ay sinunog pa ng suspek na si Jun-Jun Benarao, 36, ang katawan ng una, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.
Patuloy namang nilulunasan sa isang pagamutan sa Bacolod City ang 58-anyos na si Sinona Benarao, ang ina ng suspek, dahil sa taga sa iba-ibang bahagi ng katawan.
Naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga, sa masukal na hangganan ng Sitio Kinabong 3, Brgy. Igmayaan, Don Salvador Benedicto, at Brgy. Minoyan, Murcia.
Pinagtataga ni Jun-Jun ang magulang gamit ang isang itak, at nang mapatay ang ama’y sinilaban pa ang katawan nito, ayon sa ulat.
Nakatanggap ang pulisya ng impormasyon na tumakas ang suspek patungo sa Brgy. Codcod, San Carlos City, kaya nagsagawa ng pagtugis doon, pero di ito natagpuan.
Patuloy pang pinaghahanap ng pulisya ang suspek at inaalam kung anong nagtulak dito para pagtatagain ang magulang.