Third language para sa OFWs

NAPAKARAMING bagay upang umangat ang isang aplikante patungo sa ibayong dagat kung ikukumpara sa mga kapwa niya aplikante.

Ito ang pagkatuto at pagtataglay ng kaalaman hinggil sa ibang wika. Third language kung tagurian ito ng mga kinauukulan.

Bukod nga naman sa sariling wikang Tagalog at ang dialect nito sa kanilang mga probinsiyang pinanggalingan, napakalaki ng advantage ng isang marunong pa ng ibang wika.

Alam nating hindi salitang English ang tinutukoy dito. Dahil talaga nga namang nakakapag-salita, nakaka-unawa at nakakapag-sulat kahit papaano ng salitang English ang isang Pilipino maliban na nga lamang kung hindi talaga ito nakapag-aral.

Maraming mga trabaho sa abroad ang nangangailangan ng mga manggagawa mula sa iba’t-ibang mga lahi. Ngunit mahalaga na marunong sila ng wika sa bansang pupuntahan.

Tulad na lamang ng mga Pinoy nurses. Maraming mga bansa ang patuloy na nagpapahiwatig ng kanilang interes na kumuha ng Pilipinong nurse.

Tulad sa bansang Germany at Japan, hindi lang basta nurse ang kailangan nila. Dapat ‘anyang marunong magbasa, magsalita at magsulat ng kanilang wika. Gaano ba kahalaga iyon?

Mahirap nga naman para sa isang nurse na maglingkod sa isang ospital na hindi marunong magbasa ng kanilang chart sa kanilang wika.

Kailangan niyang basahin ang mga instruksyon doon. Kailangan din niyang isulat ang kaniyang mga obserbasyon sa mga pasyenteng inaalagan at kailangan din niyang magsalita ng naturang wika kung makikipag-usap sa mga doktor at kaniyang mga superior lalo pa sa kanilang mga pasyenteng binabantayan.

Mahirap na hamon nga ito sa ating mga OFW. Hindi madali ang mag-aral at matuto ng wikang banyaga. Kinakailangan talaga nito ng kakaibang dedikasyon na matuto.

Tulad din ng ating mga seafarer. Kapag kumkuha ng mga marino lalo pa kung ang trabaho nila ay sa mga passenger o cruise vessel, malaking advantage na marunong ng third language ang aplikante. Iyan ang tanong palagi ng kanilang mga interviewer.

Malaki na agad ang posibilidad na matanggap siya dahil kailangang-kailangan nila ang mga nagsasalita ng ibang wika na maaaring gamitin nila sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhang pasahero nila.

Mahirap matuto ng ibang wika. Totoong-totoo naman yan. Pero kakayanin kung talagang gugustuhin. Kung wala namang ginagawa pa,bago mag-apply o habang nag-aaply, bakit hindi samantalahin na mag-enroll sa mga language class at tiyak naman na sulit ang inyong pagtitiyaga. Hindi pa rin nababago ang mga katagang “kapag may tiyaga, may nilaga”.

Aaanihin naman ninyo ang inyong mga pagtitiyaga kung ngayon pa lang ay sisimulan na ninyong mag-aral ng ibang wika.

Read more...