5 ‘gunrunner’ patay, pulis sugatan sa engkuwentro
PATAY ang umano’y lider ng isang gunrunning syndicate at apat nitong tauhan habang isang pulis ang sugatan, nang magkabarilan sa operasyon sa Quezon City, Martes ng hapon.
Dead on the spot si Michael Desuyo at kanyang mga tauhan, habang sugatan si PO1 Ronald Pornea, ayon sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District.
Nakasagupa ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ang grupo ni Desuyo sa De Vega Compound, na nasa panulukan ng Dahlia st. at Iris st., Brgy. Fairview, dakong alas-5:10.
Nagsagawa ang DSOU ng buy-bust operation, kung saan nagpanggap na buyer si Pornea at “nakabili” ng 12 unit ng kalibre-.38 revolver.
Nang dumating ang mga back-up na pulis para arestuhin sina Desuyo ay bumunot ng baril at nagpaputok ang mga suspek, kaya gumanti ang mga operatiba, ayon sa ulat.
Sa gitna nito’y tinamaan si Pornea sa kaliwang braso. Dinala ang pulis sa pinakamalapit na ospital para malunasan.
Bukod sa 12 kalibre-.38 revolver, nakuha sa buy-bust ang P1,000 marked money at 95 piraso ng pekeng P1,000 na ginamit sa operasyon.
Narekober naman sa bangkay ng mga suspek ang dalawang kalibre-.45 pistola at tatlong kalibre-.38 revolver na pawang may mga bala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.