ANG Amerikanong si Chris Copas ng Kentucky, USA at partner na CPB group (Gov. Claude Bautista) ng Mindanao (CPB and Chris entry) ang solong naghari sa katatapos na 2019 World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby nitong nakaraang Miyerkules, Pebrero 6, sa makasaysang Smart Araneta Coliseum.
Ang CPB and Chris entry, na naglaban ng mga manok-panabong na Kelso, Roundhead at Sweaters, na ipinarating sa Mindanao mula sa Amerika dalawang taon na ang nakakaraan, ay nagkamada ng walang bahid na 9-0 panalo-talo na kartada upang masolo ang kampeonato.
Matapos magsalansan ng walong puntos, dinaig naman ng CPB & Chris entry ang tinale ni Jomel Gatlabayan upang masiguro ang paghahari.
Kung ito ay nabigo, ang Copas and Chris ay isa pa rin sa hihirangin kampeon kasama ang entry ni Gatlabayan at isa pang kalahok.
Ang kaibigan ni Copas na si Joe Brown, ang 2018 Araw ng Davao champ, ay nagsabi na ang pinakamahuhusay na manok-panabong ay nasa Pilipinas na at ang mapanalunan ang “Olympics of Cockfighting” ay pangarap ng lahat ng sabungero.
Isa pang Kano si Belle Almojera ng Florida kasama si Santi Sierra ng Cebu ay nagtapos naman na may 7.5 puntos.
Ang matagumpay na 2019 World Slasher Cup 1 ay may buong suporta ng Thunderbird, ang brand na naghahandog ng mga de-kalidad na patuka at vet products na siyang subok at pinagtitiwalaan na winning formula ng mga kampeong sabungero.
Ang Birthday Gift 1 at 2 entries ng Team Alcala, na may walo at pitong puntos ayon sa pagkakasunod, ay nag-uwi ng runner-up honors.
Naka-tig-pitong puntos naman sina Nene Araneta, Biboy Enriquez, cockfight idol Patrick Antonio, Jomel Gatlabayan at RGBA Friends, Jimmy Junsay, Doc Marvin Rocafort at Cris at Paolo Mercado.