2019 national budget: ‘One for you, one for me’

RATIPIKADO na ng Kamara at Senado ang ang panukalang P3.757-B national budget para 2019. Susunod na si President Duterte na ayon sa Malakanyang ay iisa-isahin muna ito bago pirmahan para maging ganap na batas.
Kontrobersyal ang panukala dahil nabulgar at pinag-awayan sa media ang mga sikretong pondo ng Kongreso, Department of Budget ang Management at ng Cabinet.
Tulad nitong P75-bilyon “pork insertions” nina da-ting House Speaker Pantaleon Alvarez sa Department of Public Works and Highways (na hindi alam ni Secretary Mark Villar) na na-implement noong 2018, at tinangkang ipalusot nga-yong 2019. Mabuti naman nabulilyaso dahil nagpalit na liderato.
Nagpasya sina Speaker Gloria Arroyo na i-realign ang “pork insertions” ngunit binakbakan agad noon ni Senador Ping Lacson. Sumagot si House Majority leader Rolando Andaya at ibinulgar ang mga senador na nais mag-realign ng P189-bilyong “institutional amendments”.
Matapos ang mahabang gera sa media, nagkasundo sila nitong nakaraang Bi-yernes na ipasa na ang national budget. Sa P46-bil-yon na itinaas ng 2019 budget ng DPWH, naglaan ang mga kongresista ng P20.65-bilyon samantalang ang mga senador ay tumapyas din ng P24.5-bilyon para sa mga “pet infra projects” .
Inamin ni Andaya na merong tig-P160 milyon na “line item allocation” ang bawat kongresista sa panukalang budget. At kasama rito ang mga kongresista ng administrasyon, oposisyon at maging party list members.
Sa 20 senador, meron silang tig-P1.15-bilyon pet projects mula sa DPWH. Wala pa riyan ang tinatawag nilang “institutional amendments” sa ibang ahensya.
Sabi ni Senador Loren Legarda, hindi raw “pork barrel” ang ginawa nilang P189-bilyong realignment dahil kasama rito ang P68-bilyong “unprogrammed appropriations” na kakailanganin ng DBM. Ito’y bilang standby authority sa mga dagdag na gastusing proyekto o kung bumaba ang “revenue collection” at iba pang biglaang obigasyon.
Sa madaling salita, “discretionary fund” o parang blangkong tseke ito ng DBM.
Hindi ba’t merong “contingency fund” ang budget na ito? Bakit gagawa pa ng unprogrammed appropriations?
Kasama rin sa realignment ng mga senador ang P800-milyon sa pagdiriwang ng World’s teachers day, P7.5-bilyon sa pagdaraos dito ng 2019 Southeast Asian Games at P50-bilyon para sa bagong AFP brigade at iba pang project ni Senador Lacson.
Sadya yatang hinihilo tayo ng mga mambabatas para lamang mailusot nila ang pagmamainobra sa salapi ng sambayanang Pilipino.
“Institutional amendments” daw itong P189-bilyon pero lumilitaw na “discretionary funds” pala ng DBM”.
Nang mahuli ang P75-bilyong “pork insertions” sa DPWH, nagpartihan ang mga kongresista pati mga senador sa kanilang “pet projects”. Mabuti-buti ang mga kongresista dahil “line item budgeting” ang ginamit pero yung mga senador tila “lump sum appropriations” o hindi detalyado na naman.
Kung susuriin, igigiit ko na talagang magkakamukha itong ilang mga senador at kongresista natin pagdating sa pambansang pondo ng bayan.
Meron talaga sa kanilang mga mukhang pera na nawalan na yata ng hiya na pati maliwanag na pagbabawal ng Korte Suprema sa “pork barrel” ay binabalewala.
Pero ang matinding tanong dito ay kung ano ang gagawin ni President Duterte sa mga “discretionary funds”, “institutio-nal amendments”, “line item allocation” ng mga kongresista at “lump sum pork” ng mga senador. Ang alam ko galit si Duterte sa mga corrupt at mukhang pera!

Read more...