SA halip na i-cite for contempt, sasampahan na lamang ng kaso ng mga mambabatas si Budget Sec. Benjamin Diokno kaugnay sa maanomalyang proyekto na napunta sa kompanya ng kanyang balae.
Ayon kay House committee on appropriations chairman Rolando Andaya Jr., ipagpapatuloy ng House oversight committee na pinamumunuan ni Quezon Rep. Danilo Suarezang pagdinig .
“Unang-una (po si Sec. Diokno for) conflict of interest ho ‘yan. Kaso po ‘yan. ‘Pag nakinabang ang anak ng isang opisyal, ba-wal po ‘yon,” ani Andaya.
Ang oversight committee ang inaasahang mag-rerekomenda ng mga kasong isasampa kay Diokno at iba pang sangkot sa ire-gularidad sa Office of the Ombudsman.
“Inaayos na po [ang mga dokumento]. Kinukuha na sa akin…tina-transfer ko na ‘yong mga dokumento sa kanya (Suarez),” dagdag pa ni Andaya.
Naglaan si Diokno ng bilyong pondo sa mga proyekto sa Casiguran, Sorsogon at nakuha ito ng CT Leoncio Construction and Trading na mayroong joint venture sa Aremar Construction, na pagmamay-ari ng balae ni Diokno.
Itinanggi ni Diokno na alam niya na nakaupo sa puwesto ang kanyang balae kung saan napunta ang kinukuwestyong mga proyekto at ang nanalong bidder ay may kaugnayan sa Aremar.
Sinabi ni Andaya na ipagpapatuloy rin ang pag-imbestiga sa P75 bilyong isiningit na pondo ni Diokno sa Department of Public Works and Highways.
Inilagay umano ang P75 bilyong proyekto ma-tapos na magsumite ng budget proposal ang DPWH.