SA Instagram idinadaan ni Rayver Cruz ang kanyang emosyon para labanan ang pangungulila sa kanyang yumaong ina.
Patuloy ang pagbuhos ng pagmamahal at pakikisimpatya sa binata at sa kanyang pamilya sa biglang pagpanaw ng inang si Beth Cruz dahil sa stage 4 cancer.
Sa kanyang IG, muling nag-post ang Kapuso actor ng litrato ng kanyang nanay habang nakahiga sa hospital bed at nanonood ng teleserye niya sa GMA 7, ang Asawa Ko, Karibal Ko.
Si Rayver ang leading man nina Kris Bernal at Thea Tolentino sa nasabing Kapuso afternoon series at ayon sa binata talagang sinusubaybayan ni Mrs. Cruz ang Asawa Ko, Karibal Ko noong nabubuhay pa ito.
“I miss my number one fan so much. Watch mo pa rin ako d’yan sa heaven ha mama.
“Alam kong simula ngayon kasama na kita kahit saan pa ako magpunta para gabayan ako my guardian angel. I love you mama. Always and forever,” ang madamdaming caption ni Rayver sa IG photo ng ina.
Siguradong maligaya ngayon ang ina ni Rayver dahil sa magagandang komento at papuri sa kanya ng mga manonood dahil sa akting na ipinakikita niya sa Asawa Ko, Karibal Ko. Sabi nga ng ilang netizens, hindi nagkamali ang GMA sa pagkuha sa kanya para sa role ni Gavin sa serye.
Napapanood pa rin ang AKKK sa GMA Afternoon Prime.