FEEL na feel mo na talaga ang election fever, ‘no! E, kasi nga kanya-kanya nang paandar ang mga kandidato sa TV at radyo. Ngayong Sabado nga ay magkasabay na mapapanood ang kwento ng buhay nina Sen. Cynthia Villar at dating Special Assistant to the President na si Bong Go.
Sa Magpakailanman ng GMA ipalalabas ang life story ni Cynthia Villar story habang sa Maalaala Mo Kaya naman ay mapapanood ang buhay ni Bong Go. Puro mga kilalang celebrities din ang gaganap sa kanilang mga talambuhay.
Ipakikita sa Cynthia Villar episode ng Magpakailanman kung paano ginagamit ng senadora ang sipag at tiyaga para malampasan lahat ng mga pagsubok sa buhay.
Interesting din kung paano nagkainlaban ang senadora at ang mister niyang si former Sen. Manny Villar. Ito’y pagbibidahan nina Glydel Mercado at Christian Vasquez.
Samantala, sa MMK naman, ang award-winning na si Phillip Salvador ang gaganap bilang si President Rodrigo Duterte sa life story ni Bong Go na bibigyang-buhay naman ng Kapamilya hunk na si Joseph Marco, na napapanood tuwing hapon sa seryeng Los Bastardos.
Marami ang nagsabing excited silang mapanood kung paano nga ba nabuo ang mala-father and son na samahan ng pangulo at ng kanyang kanang kamay.
Kung may mga nangnenega sa pagpapalabas ng mga life story ng mga kandidato meron namang nagsasabi na malaki ang maitutuling nito para mas makilala at makilatis pa sila ng mga botante.
Sabi nga ng isang kilalang actor-politician, importante sa eleksyon na makilala ng mga botante ang mga kakandidato kaya kung may guesting man sila sa anumang programa sa TV at radyo ay hindi dapat masamain. Dapat pa nga raw itong tutukan dahil dito rin makikita kung anong klaseng tao ang mga politikong ito.
“Walang kinikilingan ang mga TV and radio network, gusto lang nilang mas makilala ng mga tao ang mga kandidato,” sabi pa ng source.