MULING nakakuwentuhan ng Bantay OCW si Ambassador Charles Jose mula sa Philippine Embassy ng Malaysia. Naging suki na ng programa si Jose nang maging tagapag-salita siya ng Department of Foreign Affairs.
Gayong pista opisyal ang mga panahong ito sa Malaysia, hindi akalain nina Shermaine Katindig, associate producer ng Bantay OCW at ni Sandra Mae Katindig, executive producer at creative director ng aming programa, na matatagpuan nila ang masisipag na mga opisyal ng ating embahada nang dumalaw sila doon.
Nakipagkita sila kina Amba Jose at Labor Attache’ Elizabeth Marie Estrada ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) upang talakayin ang ilang mga proyektong isinusulong ng Bantay OCW Foundation at isa nga ang bansang Malaysia sa nakatakdang dalawin ng aming grupo.
Masayang naibahagi ni Amba Jose ang positibong pagtugon ng ating mga kababayan sa napakaraming mga proyekto na isinusulong ng ating embahada doon lalo na ang may kinalaman sa pagbibigay kasanayan pagdating sa mga programang pangkabuhayan pati na ang tamang pangangasiwa ng kanilang pananalapi.
Sabi pa ni Jose, bukod sa kanilang trabaho, nagagamit pa nila ang mga kasanayang iyon bilang karagdagan sa kanilang mga kinikita, at matalinong inilalaan iyon para sa kanilang kinabukasan.
At totoo naman, dahil saan man sa mundo, inihahanda ang ating mga OFW ng ating mga opisyal ng embahada at konsulado para sa matagumpay nilang pagbabalik sa bansa.
Iyan kasi ang dahilan kung bakit nagpapatuloy, paikot-ikot, pabalik-balik na lamang ang OFW sa abroad.
Matapos ang mahabang mga taon ng kanilang pagtatrabaho sa labas ng bansa, gayong malaki naman ang mga kinita, ngunit pagkatapos ng lahat, uuwi silang walang-wala, na para bang walang nangyari at hindi sila nag-abroad.
Palibhasa hindi na rin sanay na walang trabaho ang isang OFW, napakasipag niya sa abroad at marami din siyang natulungan, kung kaya’t mahirap para sa kaniyang tanggapin na babalik siya sa wala. Masyado naman ‘anyang ang baba na ng tingin niya sa sarili kung kaya’t hindi nito kayang mangutang o manghingi kaya ng pera sa kaniyang asawa o mga anak.
Kaya hindi makakampanteng manatili ang OFW kapag ganyan na ang kalagayan. Muling aalis ito, magtatrabaho muli sa abroad at hihintayin na lamang ang kaniyang pagtanda hanggang sa wala na siyang lakas o enerhiya pang mag-trabaho.
Palaging sambit nila, hangga’t kaya pa, trabaho lang.
Ayon naman kay Amba Jose, nag-iiba na rin ang pananaw ng Pinoy ngayon. Talagang mas nagiging palaisip na sila sa kanilang kalagayan at natututo na ring magplano ng konkreto para sa kanilang kinabukasan.
Hindi katulad noon na pawang mga “bahala na” ang kanilang naririnig. Tipong burado na sa bokabularyo ng OFW ang mga salitang ito.
Kaya naman, pinangunahan na ng ating mga embassy officials ang pagpapaigting lalo pa sa mga programang tunay namang angkop na angkop sa ating panahon at pangangailangan.
Kaya nag-iimbita si Ambassador Jose sa ating mga Pinoy saan man sa mundo, na tangi lamang dapat gawin ng OFW ang makipag-ugnayan sa ating embahada at alamin ang mga programang babagay sa kanilang mga personalidad at interes.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com