Maraming konsintidor(a)

HINDI kayo manghihina o masisiraan ng loob. Makikibaka kayo laban sa masama. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Heb 12:1-4; Sal 22:26-28, 30-32; Mc 5:21-43) sa paggunita kay Santa Agata, dalaga’t martir.

Nakapanghihina para sa normal na tao, hanggang sa masiraan ng loob, ang pambobomba sa Katedral ng Birhen Carmelo sa Jolo at ang pagtatalo para ipagtanggol ang mga batang nakagawa, at patuloy na gumagawa, ng krimen.

Ang pambobomba at pagtatanggol sa mga batang kriminal ay simpleng pangungunsinti. Konsintidor(a) sila ng terorista’t kriminal; at ng kriminal at terorista. Sila’y kampon ni Satanas na nakapag-aanyong relihiyoso’t bihis-mambabatas sa Bastusang Pambansa at Maangas na Kapulungan.

Si Satanas, bilang terorista, ay walang habag at duwag. Sila’y si Herodes na pumapatay ng inosente, bata’t matanda, kahit ka-relihiyon nila o kadugo, tulad ng unang lalaki sa lupa na pumatay ng sariling kapatid.

Maraming natutuwa sa kanilang pamamaslang. Di ba’t iniutos ni Duterte na pumatay ng mga pari’t obispo ng Katoliko; mga mananampalataya’t deboto (huwag na raw tumawag sa mga canonized saints kundi kay Santo Rodrigo na lang. Sa isang banda, nanahimik si Digong sa kababanat sa simbahan nang bombahin ang katedral; pero di siya huminto)?

Ang pangungunsinti ay naipahahayag din sa pamamagitan ng pagsasawalang-kibo, lalo na ng lokal at pambansang opisyal ng gobyerno. Okey lang sa kanila kung 13 pari na ang pinatay sa Mindanao, marami sa kanila ay sa Sulu, dahil marami pa ang papatayin. Alam ng mga lider-Islam at gobyerno kung sinu-sino ang terorista sa kanilang hanay; o mismong sila ang terorista dahil kinakanlong nila ang mga ito. Sa umpukan sa “Moroland” sa North Caloocan, alam nila ang grupo’t lider ng mga terorista. Ilan sa kanila ay dito nagpapalamig pagkatapos ng pambobomba; dahil maiinit na sila sa Taguig at Barangay Commonwealth, QC. Ayaw nila ng katahimikan at pag-unlad sa Mindanao dahil mawawalan na rin sila ng saysay; at wala nang makukuhang milyones sa Islamic State.

Sa Bastusang Pambansa at Maangas na Kapulungan, binaluktot ng mga mambabatas ang katotohanan, tulad ng pagbaluktot ni Satanas sa batas ng Diyos. Noon pa man (’50s na aking nakagisnan), alam na ng mga bata ang tama’t mali.

Napakalaking kasinungalinan sa sinasabi ng mga mambabatas ngayon na di pa alam ng mga bata ang tama’t mali. Natutuwa si Satanas kapag nagsisinungaling ang mga mambabatas (ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw; ha-ha-ha, dagundong sa impiyerno).

Ang bata ay tulad din ng tuta. Binibinyagan (binibigyan ng pangalan) at inaalagaan. Pinakakain at tinuturuan ng stand, sit, fetch atbp. Nagiging bantay-bahay ang aso dahil mahal niya ang kanyang amo. Natutuwa ang tao kung masunurin ang tuta; at ito’y ipinagmamalaki pa, hanggang ma-TV. Ang asong di na sumusunod sa amo ay ipinakakatay na lang. “Old dogs can no longer be taught new tricks,” anang kasabihan sa Ingles. Ang matandang mambabatas ay di na tumatanggap ng mabuting asal; bagkus kinakanlong pa ang kasamaan ng bata.

UST (Usaping Senior sa Talakayan, sa Santo Rosario, Malolos City, Bulacan): Nakasubaybay ang intellectual senior citizens sa HB 7030, ang panukalang “Anti-Elder Abuse Act,” na iniakda ni Rep. Vic Yap (second district, Tarlac, na di na rin iba sa mga taga-Malolos). Ang 7030 ay magtatanggol sa matatandang biktima ng karahasan, pisikal at damdamin. May mga milyonaryong matatanda sa Malolos City na de-baril, lisensiyado at shooter. Mas marami ang walang baril. Ang PNP ay pabor sa senior na magkabaril dahil malinaw ang “threat assessment” sa kanila.

PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Dampol 2A, Pulilan, Bulacan): Isa sa napakahirap ipagtanggol sa mga talakayan ay ang kabiguan. Bigo na nga, sasabihin pang tama at angkop. Kapag mababaw ang kaalaman, di sasang-ayon sa pagtatanggol. Nang mabigo ba sa first love ay natuto ba sa second love? Nang mangutang ng 5-7 dahil sa matinding pangangailangan ay di na bumalik sa 5-6? Nang magkasala ay di na nagsisi’t nagbago?

PANALANGIN: Mabuhayan kayo ng loob magpakailanman! Sal 22:27.

MULA sa bayan (0916-5401958): Dito sa DC, handa rin naman kaming mamatay. Sariwa pa ang nangyari sa Sasa at Night Market. …7433, Leon Garcia, 2nd Agdao, Davao City

Read more...