PIRMA na lamang ni Pangulong Duterte ang kulang para maging ganap na batas ang panukalang magpapataw ng parusa sa mga sisipol at mambabastos sa mga babae.
Ito’y matapos na ratipikahan ito ng Kamara de Representantes.
Nakatakdang ipadala sa Malacanañg para papirmahan kay Duterte upang ito ay maging isang batas.
Sa ilalim ng panukala, ituturing na gender-based street and public spaces harassment ang wolf-whistling, cat-calling at mga katulad na bagay.
Ang parusa rito at P10,000 multa at 12 oras na community service at Gender-Sensitivity Seminar sa Philippine National Police. Sa ikalawang paglabag ang multa ay P20,000 at kulong na hanggang 30 araw. Sa ikatlo at P30,000 multa at hanggang 30 araw na pagkakakulong.
Ang mga maglalabas naman ng ari o gagawa ng offensive body gesture ay pagmumultahin ng P30,000 at 12 oras na community service at seminar. Sa ikalawang paglabag ay hanggang 30 araw na kulong at P40,000 multa at sa ikatlo ay P50,000 multa at isa hanggang anim na buwang pagkakakulong.
Ang manghihipo naman ay parurusahan ng P100,000 multa, hanggang 30 araw na kulong sa unang paglabag at seminar. Sa ikalawa ay P150,000 multa at kulong na isa hanggang anim na buwan. Sa ikatlo ay P200,000 multa at isa hanggang anim na buwang kulong.
Gender-based online harassment naman o sexual harassment sa pamamagitan ng internet ay may parusang P100,000-P500,000 multa at kulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
“We want to replace this pervasive culture of machismo with a culture of respect and acceptance. Women, LGBT persons, and even men do not deserve to be the target of sexist, misogynist, homophobic or transphobic remarks or become the target of harassment,” ani Siquijor Rep. Rav Rocamora, isa sa may-akda ng panukala.