APAT na dating kampeon kabilang na si two-time winner Santy Barnachea ng Team Franzia ang mangunguna sa kampanya ng bansa sa LBC Ronda Pilipinas 2019 na nagbubukas ngayong Biyernes sa City Health Office sa Iloilo City.
Ang 42-anyos na si Barnachea, na nagwagi sa unang edisyon noong 2011 at nakaulit noong 2015, ay pangungunahan ang kampanya ng mga Filipino riders kasama ang mga kapwa Ronda champions na sina Ronald Oranza at Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance at Irish Valenzuela ng 7-Eleven Cliqq.
Si Oranza ang nagtatanggol na kampeon, si Morales ay nagwagi noong 2016 at 2017 habang si Valenzuela ay naghari sa Ronda noong 2012.
Ang 2013 titleholder na si Mark Galedo, na pamumunuan sana ang isang koponan na binubuo ng mga under-23 riders, ay biglang umayaw matapos na ang kanyang mga sponsor ay hindi na tumuloy sa plano nitong pagsali sa Ronda.
Si Barnachea ay irerepresenta ang Team Franzia na kinabibilangan din nina Alvin Mandi, Kentz Krog, Dennis Gabaldon, Ryan Tugawin, Allan Benito at Benis Caw bilang manager.
Maliban sa Team Franzia, ang Pilipinas bilang host ay ipaparada rin ang mga palabang grupo ng mga rider na pamumunuan ng mga Continental team na Go for Gold at 7 Eleven Cliqq.
Ang iba pang Pinoy cycling squads na kalahok ay ang Bike Xtreme, Army Bicycology at Team Tarlac.
Ang mga dayuhang koponan na lalahok sa UCI-sanctioned na five-stage race, na may nakatayang qualifying points para sa 2020 Tokyo Olympics, ay ang Terengganu, Matrix, Nex Cycling Team, Korail Team Korea, Custom Cycling Indonesia, Cambodia Cycling, PGN Road Cycling at Sri Lanka Navy Cycling Team.
Ang cycling event ay hatid ng LBC katuwang ang MVP Sports Foundation at suportado ng Versa 2-Way Radio, Juan Movement Partylist, Joel P. Longares Foundation, Standard Insurance, Bike Xtreme, Green Planet, Prolite, Celeste Cycles, Maynilad, 3Q Sports, Boy Kanin, Mega World, Festive Walk, Seda Atria at LBC Foundation at kabakas ang Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, Iloilo City at Province of Guimaras.
Ang karera ay bubuksan ng 197.6-kilometer Iloilo-Iloilo Stage One sa Pebrero 8 at susundan ng 101.8km Guimaras-Guimaras Stage Two kinabukasan.
Ang karera ay magbabalik sa Iloilo para sa 179.4-km Iloilo-Roxas City Stage Three sa Pebrero 10 at susundan ito ng 146.9-km Roxas-Roxas Stage Four sa Pebrero 11. Magtatapos ang karera sa 148.9-km Roxas-Antique Stage Five sa Pebrero 12.
Ang awarding ceremony ay gaganapin sa Boracay.