HINDI pa rin makapaniwala hanggang ngayon si former Sen. Bong Revilla Jr. na malaya na siya.
Nabawasan na rin naman daw ang trauma niya kapag nakakakita ng mga pulis at CCTV ayon sa pahayag niya sa ginanap na thanksgiving lunch ng pamilya Revilla para sa entertainment press kamakalawa.
Eh, nu’ng nakaraang Pasko at Bagong Taon, happiest events sa buhay niya ang muling makasama ang pamilya at ilang malalapit na kaibigan matapos makulong ng ilang taon.
Ngayong Valentine’s Day ay may plano silang manood ng concert ng asawang si Mayor Lani Mercado.
“Hindi pa confirmed kung anong concert ang panonoorin namin. But definitely, I will have a Valentine date with my one and only!” paniniyak ni Sen. Bong.
Sa pag-iikot niya sa kanyang “Pasasalamat Caravan” sa mga probinsiya, ipinapaliwanag niya kung ano ang katotohanan sa rason ng kanyang pagkakakulong. Doon niya nararamdaman na mahal na mahal pa rin siya ng tao.
Pero pagdating sa guesting sa telebisyon para sa mga debate programs ng senatoriables, iwas muna si Sen. Bong dahil baka ungkatin muli ang nakaraan. Hindi na niya gusto ang mapag-usapan nang paulit-ulit ang nangyari sa kanya dahil talagang traumatic ito para sa isang tatay at asawang tulad niya.
“Nasaktan na ang pamilya ko. Tama na. Sapat na. Nagsalita na ang korte at not guilty ako sa mga kasong ibinato nila sa akin !” diin ng actor-politician na very soon ay muli na naman nating mapapanood sa pelikula.
Ngayon pa lang ay pinaplano na ng pamilya Revilla ang paglahok nila uli sa MMFF.