Chito Miranda kay Julie Anne: Sobra! Ang sarap sabunutan!


“ANG sarap sabunutan!” Yan ang bahagi ng reaksiyon ni Parokya Ni Edgar vocalist Chito Miranda nang mapanood ang performance ni Julie Anne San Jose sa musical show ng GMA na Studio 7.

Sa kanyang Instagram account, ni-repost ni Chito ang video ni Julie Anne at pinuri ang galing ng Kapuso singer-actress sa pagra-rap.

Kasama ni Julie Anne si Gabbi Garcia sa stage nang banatan nila ang classic hit na “Bagsakan” – ito ang 2005 collaboration ng Parokya, Gloc-9, at ng yumaong Pinoy King of Rap na si Francis Magalona.

Nilagyan ni Chito ang nasabing video ng caption na: “Tingnan mo ‘tong si Julie Anne San Jose.

“Una, gumawa ng version ng ‘Your Song’ na sobrang ganda. Sabi ko na lang: ang galing talaga nitong babaeng ‘to.

“Tapos di pa nakuntento…binanatan nya pa yung stanza ni Gloc sa Bagsakan! Sobrang galing sarap sabunutan.”

Ilang oras matapos itong ipost ni Chito, pumalo agad ito sa mahigit 360,000 views, na napakalayo sa nakuhang 80,600 views ng naka-post sa IG account ni Julie Anne. In fairness, libu-libo rin ang nag-comment ng positibo sa nasabing video kasabay ng pagpapasalamat ng fans ni Julie Anne kay Chito.

Pero siyempre, meron pa ring nangnega at umepal sa post ni Chito. May isang netizen ang nagsabi na nagsabing magaling talagang performer si Julie Anne pero hindi nabibigyan ng malaking break sa GMA 7.

Sigurado raw na mas sisikat at mas gagaling pa ang dalaga kapag lumipat ito sa ABS-CBN.

Ito naman ang sagot sa kanya ni Chito, “Sana ‘wag nating haluan ng kabaduyan ng network wars yung page ko hahaha.

“Wala tayong paki sa GMA vs ABS na ganyan at kung saan mas sisikat ang tao kasi di naman importante yun. Ang pinag-uusapan natin dito is kung gaano siya kagaling.”

Isang netizen naman ang nagsabing mas magaling pa si Julie Anne kay KZ Tandingan, “She’s better than KZ, to be honest. She can do a lot. She can play different musical instruments. Pwedeng magpaka-banda, pwede ring magpaka-biritera. Again, this is not about network wars, pero kitang kita ang galing ni Julie Anne!”

 

Read more...