MAY sama nga ba siya ng loob kay Robin Padilla?
SA ginanap na pa-lunch ni ex-Sen. Bong Revilla para sa selebrasyon ng Chinese New Year kahapon ay natanong kung masama ang loob niya sa kaibigang si Robin Padilla dahil hindi siya dinalaw nito sa ilang taong pagkakulong sa Camp Crame Custodial Center.
Mabilis ang sagot ni Bong, “Hindi, maaaring busy si Robin at hindi naman natin siya inoobliga. Si Robin ay isang kaibigan at nirerespeto natin siya at isa siyang taong may paninindigan, bilib ako sa kanya. Wala kaming isyu.”
Ang manager ni Bong na si Manay Lolit Solis ang may tampo kay Binoe, “Oo, may tampo ako kasi nu’ng siya ang nakakulong, lagi siyang dinadalaw nina Rudy (Fernandez, SLN) at ni Bong, dinadalhan siya ng sigarilyo. Kahit puyat-puyat ‘yung dalawa galing taping dumidiretso sila kay Robin. Halimbawang may kasalanan si Bong, pero bilang kasamahan mo sa industriya, hindi mo man lang nagawang dalawin?” pahayag ni Manay Lolit.
Hiningan namin ng reaksyon si Robin sa pamamagitan ng manager niyang si Betchay Vidanes at nabanggit sa amin na nasagot na raw ito ng aktor.
“Ang tanda kong sabi ni Robin, ‘Patawarin mo ako ‘Nay (Lolit) hindi talaga ako dumalaw kasi hindi ko kayang makitang nasa ganu’n siyang sitwasyon. Mahal ko ‘yun kaya hindi ko kaya talaga,’” kuwento sa amin ni Betchay.
Going back to Bong, ayaw na sana niyang magbigay ng anumang paliwanag tungkol sa utos na ibalik ang perang ninakaw daw niya dahil paulit-ulit na lang ang isyu, inabsuwelto na raw siya ng korte kaya wala siyang dapat ibalik.
“Nagsalita na ang korte at napakalinaw na sinabing wala akong natanggap na pera at wala silang napatunayan na kinuha ko ni singko. Anong isosoli ko? Not guilty nga ako. Kung ako’y guilty dapat kung may ibabalik akong pera dapat ikulong nila ako uli. Bakit ako nasa labas kasi wala akong kasalanan. Not guilty po ang sentensiya ko,” paliwanag ng dating senador na tumatakbo uli ngayong midterm elections.
“Sa mga patuloy na nambu-bully sa akin, ang masasabi ko lang ay anak ng teteng! Tapos na, nagsalita na po ang korte, tama na! Kung sinabi n’yo noon, sobra na, tama na, masakit na!
“Ang masasabi ko lang, ang lahat ng ito ay nasa korte naman. Pinagdaanan ko ‘yung talagang pinakamasakit na puwedeng abutin ng isang bilanggo at hanggang sa paglilitis at desisyon, inabot ko. Four year and six months, hindi biro. Kaya tama na. ‘Yan lang ang masasabi ko po.
“Huwag nating linlangin pa ang mga mamamayan, lumabas na po ang katotohanan, tama na po, tama na. ‘Yun lang po ang pakiusap ko sa inyo. Ayaw ko nang makipag-debate sa inyo.
“Kung napapansin ninyo, maraming nag-iimbita sa akin sa iba’t ibang channel, marami na sigurong nagtatampo na hindi ako um-attend ng debate kasi ayokong mahainan ng mga ganyan na nakakasakit na. Sobra na po ‘yung inabot ng pamilya ko na panglalait. Ang tagal na po namin nagdusa.
“Pabayaan na natin ang tao ang humusga sa akin, let the people decide,” pakiusap ni Bong sa lahat ng bumabatikos sa kanya.
At kahit ilang taong nawala si Bong ay hindi pa rin siya nakalimutan ng mga taong nagmamahal at natulungan niya dahil base sa mga ipinakitang video sa press sa paglilibot ng dating senador ay libu-libong tao ang yumayakap at naiiyak sa muli niyang pagbabalik.
“Oo nga, parang hindi ako nawala, damang-dama ko ‘yung pagka-miss sa akin ng mga kababayan natin. Nakakakilabot ‘yung pakiramdam. Kaya maraming salamat sa suporta,” kuwento ni Bong.
Sinuportahan naman ang actor-politician sa muli niyang pagharap sa members ng entertainment press ng kanyang mga kapatid na sina Andeng Ynares, Konsehala Rowena Bautisa-Mendiola ng Bacoor, Cavite at mga pamangkin.