NAKUMPISKA ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang 100 pares ng pekeng PNP rubber shoes sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City.
Kinukuha ang mga orihinal na pares mula sa mga otorisadong gumagawa na eksklusibo lamang para sa mga miyembro ng PNP.
Sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng reklamo mula sa JP Group of Companies, Inc., isa sa tatlong opisyal na supplier ng PNP rubber shoes.
Idinagdag ng JP Group na ginagawa ang mga pekeng PNP shoes at ibinibenta sa ilang outlet.
Nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CIDG at naaresto ang tatlong suspek na nagdeliber ng P170,000 halaga ng pekeng sapatos sa mga undercover na pulis.
Kinilala ang tatlong naaresto na sina Mark Corporal, 33; Lorenzo Celestial, 35 at Rail Ramirez, 25.
Sinabi ni Aristemedes Segismar, factory manager ng lehitimong shoe manufacturer, na nagkakahalaga ng P2,000 ang isang pares ng orihinal na PNP rubber shoes.
Iginiit ni Aristemedes na mababa ang kalidad ng mga pekeng rubber shoes kumpara sa mga orihinal.
Idinagdag ni Segismar na ibinibenta pa ng mahal ang mga pekeng sapatos para magmukhang orihinal.
Sinabi ni Supt. Raymund Liguden, chief of the CIDG Anti-fraud and Commercial Crimes Unit, na pinapayagan ng PNP Directorate for Research and Development ang pagbebenta ng mga orihinal na PNP rubber shoes sa mga otoridadong outlet.
Ani Liguden, mabibili rin sa online ang mga pekeng sapatos.
Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag ng Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.