WALANG duda na karapatdapat lang na pagkatiwalaan ng NLEX Road Warriors si John Paul Erram matapos na tanghalin ito bilang 2019 Cignal-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Enero 28 hanggang Pebrero 3.
Nakuha ng NLEX sa isang offseason trade sa Blackwater Elite, ang 6-foot-8 sentrong si Erram ay nagsilbing matinding presensya sa loob ng shaded area para sa Road Warriors ngayong 2019 PBA Philippine Cup.
Nagpamalas din ng kanyang husay sa depensa si Erram matapos mabutata ang sana ay game-tying basket ni Ranidel de Ocampo sa mga huling segundo ng laro para ihatid ang NLEX sa 87-83 panalo kontra Meralco Bolts.
Kumamada ang 29-anyos na si Erram ng mga all-around na numerong 12 puntos, walong rebound, pitong assist at game-high na limang shotblock para tulungan ang NLEX na masungkit ang ikalawang sunod na panalo matapos ang 0-3 na pagsisimula.
Si Erram ay nag-average ng 16.6 puntos, 7.4 rebound, conference-best 4.0 shotblock at 3.2 assist kada laro.
Tinalo ni Erram sina Phoenix Fuel Masters forward Calvin Abueva, Barangay Ginebra Gin Kings center Greg Slaughter at ang mga manlalaro ng Rain or Shine Elasto Painters na sina James Yap at Javee Mocon para sa lingguhang parangal.