TAGUM City — Unang apat na ginto agad ang nasungkit ng dalawang pambato ng Koronadal at dalawang pambato ng South Cotabato sa magkakahiwalay na event sa archery sa unang araw ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg na ginaganap sa Tagum City Sports Complex dito.
Sina Justin Matthew Basadre at Romee Jonathan Rioja ng Koronadal ang nanaig sa Bowman Boys event at Yeoman Boys event habang sina Rhynjyll Yvis Endaya at Grace Signacion ng South cotabato naman ang nagreyna sa Bowman Girls at Yeoman Girls event.
Nagtala si Basadre ng 624 puntos upang pagharian ang bowman boys, kasunod ang pambato ng South Cotabato na si Loreno Quin Myer na may 614 puntos para sa ikalawang puwesto at nasa ikatlong puwesto si Mark Jubert Angelo Lapiad ng South Cotabato na may 611 iskor.
Ang batang si Rioja naman ay tumapos na may 551 puntos sa Yeoman boys sa kanyang unang pagsabak sa Batang Pinoy.
“First time ko po na sumali,” sabi ng pitong taong gulang na si Rioja, na grade 2 student sa Koronadal Central Elementary School. “Masaya po ako kasi kahit po unang beses pa lang po nanalo na agad ako.”
Ang kanyang kakampi naman na si Basadre ay tatlong beses nang nakalahok sa nasabing kompetisyon na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng STI at Alfalink Total Solutions.
Sa panig naman ng girls, gaya ni Basadre, ito rin ang ikatlong paglahok ni Endaya, kung saan ay nakaabot ito sa National Finals na ginanap sa Baguio City, sa Bowman event at Olympic round.
Nagtala si Endaya ng 634 puntos para manguna sa Bowman girls habang ang kakampi niyang si Geanne Gasendo ay tumapos sa ikalawang puwesto sa natipong 601 puntos. Nasa ikatlong puwesto naman si Althea Kelly Odiong ng Davao sa naitala nitong 611.
“Target ko po na makakuha pa po ng ginto sa mga susunod ko po na events ngayon,” sabi ni Endaya na may nakaaabang pang sumabak sa mixed at Olympic round, habang sinusulat ang balitang ito.
Ang kakampi niyang si Signacion ay nagtala ng 647 puntos upang iuwi rin ang unang ginto sa Yeoman girls event at target pa niya na muling makasungkit ng ginto sa susunod na event na lalahukan nito.