“PAALAM aming reyna!”
Yan ang bahagi ng madamdaming mensahe ng Kapuso actor-dancer na si Rayver Cruz para sa namayapang inang si Melody “Beth” Cruz. Hindi na tumagal ang pakikipaglaban nito sa sakit na pancreatic cancer.
Sumakabilang buhay ang ina nina Rayver, Rodjun at Omar Cruz nitong nakaraang Sabado habang naka-confine sa Makati Medical Center. Nalaman lang ni Gng. Beth na meron siyang stage 4 cancer nang makabalik dito sa Pilipinas mula sa pagbabakasyon sa Singapore last year.
Ikinagulat talaga ito ng kanyang mga anak na ginawa pa rin ang lahat para maka-survive siya.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ang Asawa Ko, Karibal Ko star ng kanyang message para sa yumaong ina. Aniya, saludo siya sa tapang ng Gng. Beth habang nakikipaglaban sa kanyang karamdaman.
“Maraming salamat sa lahat, mama. Ngayon makakapagpahinga ka na sa isang napakagandang lugar kung saan ay pwede kang sumayaw at kumanta kasama ang mga anghel at ang ating Panginoong Diyos.
“Mahal na mahal kita, mama. Palagi kang mananatili sa puso at isipan ko kahit na among mangyari. Paalam, aming reyna,” lahad ni Rayver.
Madamdamin din ang mensahe ni Rodjun para sa ina, “Sobrang sakit at hirap tanggapin na hindi na kita mayayakap, mahahalikan araw-araw, at maririnig ang malambing mong boses at makikita ang ngiti mo na nakakapawi ng kahit anong problema.
“Pero kailangan namin tatagan ang loob naming magkakapatid dahil alam ko na sobrang saya [mo] na ngayon sa heaven kapiling ni Lord God,” aniya pa.
Narito naman ang official statement ng magkapatid sa pagpanaw ng kanilang ina, “It is with deep sadness that we announce the passing of our beloved mother Elizabeth V. Cruz on February 2, 2019.
“The wake will be held at La Funeraria Paz, Sucat, Parañaque until February 7, 2019. More details to follow.
“Please pray for our mom. Despite our grief, we celebrate her eternal. Life and Happiness with our Lord Jesus Christ.”