#Kapal: Male celeb mahilig mangutang pero hindi nagbabayad

NAIINIP na pala ang mga kaibigan at katrabaho ng isang kilalang male personality sa pagbabayad niya ng pagkakautang.

Matagal na panahon na ang panghihiram niya ng kadatungan, pero hanggang ngayon ay deadma pa rin siya, nagpaparamdam na nga ang mga inutangan niya para magkaisip na siyang ibalik ang perang pinakinabangan niya.

Kuwento ng aming source, “Ang nakakaloka du’n, e, kumikita naman siya, hindi naman niya puwedeng sabihin na wala siyang maipanghuhulog man lang, dahil malakas din siyang kumita.

“Pero waley pa rin, wait lang nang wait ang mga friends niya, hanggang sa ang paghihintay, e, kabagut-bagot na, kaya nagpaparamdam na sila.

“Kung bakit naman kasi pumasok siya sa isang magastos at matinding kompromiso na hindi niya naman kayang panindigan. Kapag hindi kaya, e, huwag gawin, para hindi naiipit sa gastusin, di ba naman?” simulang kuwento ng aming source.

Pero ang pinakakinaiinisan pala ng mga taong binulabog ng kilalang male personality ay ang mga ipino-post ng isang taong napakalapit sa male personality.

“’Yun ang mas ikinaiinis nila, ang pagiging bonggang-bongga pa rin ng isang taong close sa kanya na ipinagmamalaki pa ang mga nabibili nilang gadgets, ang mga pinupuntahan nilang lugar!

“Ano nga naman ‘yun? Can afford silang bumili ng mga mamahaling kagamitan, nakararating sila sa kung saan-saan na malaki ang ginagastos nila, pero hindi man lang sila nakapaghuhulog at nakapagbabawas sa mga pagkakautang nila?

“Kung wala pa silang pambayad, e, manahimik na lang muna sila! Tantanan na muna nila ang pagpapabongga, ‘yun nga ang reason kung bakit sila nagkabaun-baon sa pagkakautang, di ba?

“Tama na ang pagpo-post ng kung anu-ano na feeling nila, e, hindi mapapansin ng mga taong pinagkakautangan nila. Nag-aapiran kaya ang mga taong ‘yun kapag may bonggang post ang magdyowa?

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, isa lang ang dapat n’yong itanong sa male personality na ‘yun kapag nagkita kayo, ‘Joe, you wanna buy watch?’ Ganern na ganern!” pagtatapos ng aming source.

 

Read more...