‘Elise’ nina Janine at Enchong romcom with a twist: Kayo na ang bahalang gumawa ng ending


TAMA nga sina Janine Gutierrez at Enchong Dee, dalawa ang “ending” ng pelikula nilang “Elise” na idinirek ni Joel Ferrer under Regal Entertainment.

Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na special screening nito recently sa Wild Sound Studio sa Sampaguita Compound, Q.C. at in fairness, na-enjoy namin ang kuwento nito at ang refreshing tandem nina Janine at Enchong.

Actually, ito na ang second movie nila together, una silang nagkasama sa horror movie na “Lila” noong 2016. Hindi namin ito napanood kaya first time namin na-appreciate ang chemistry nila sa big screen na siguradong magugustuhan din ng madlang pipol.

Kakaiba ang pagkakabuo ng kuwento ng “Elise” kung saan naging malaking bahagi ang isang baguhang child star na talagang pinuri ng mga nanood sa special preview dahil kering-keri niya ang kanyang role. Mula simula ng pelikula hanggang sa ending ay agaw-eksena ang bagets.

Agree rin kami sa sinabi ni Enchong sa huling presscon ng “Elise” na isa ito sa pinaka-challenging project niya dahil bukod sa kanya galing ang point of view ng kuwento, iba-ibang emosyon ang ipinakita niya sa movie – mula sa pagpapa-cute, pagpapatawa, pagpapakilig hanggang sa pagdadrama.

Siyempre, hindi rin nagpahuli si Janine na pagkaganda-ganda sa movie bilang si Elise, wala ring pinipiling anggulo ang dalaga kaya kahit na umiiyak at nagagalit ay ang ganda-ganda pa rin niya, lalo na nang nagsisumbong na siya kay Enchong bilang si Bert na niloloko siya ng kanyang boyfriend.

Inspiring din ang movie lalo na sa mga nais maging negosyante dahil ipinakita rin dito kung paano nagtagumpay sina Elise at Bert sa kanilang ice cream business. In fairness, habang nanonood kami, talagang nag-crave kami sa ice cream.

Tungkol naman sa kissing scene ng dalawang bida, kailangan naman pala talaga yun sa eksena para maiparamdam sa isa’t isa na mahal na nila ang isa’t isa matapos magpakiramdaman sa kanilang feelings.

Bukod dito, gusto naming batiin ang Miss World Philippines na si Laura Lehmann dahil pasado naman ang unang pagsabak niya sa akting na kahit baguhan sa pag-arte ay hindi naman nagpalamon kay Enchong na gumanap na boyfriend niya sa pelikula. Aliw ang eksena nila sa motel kung saan bininyagan niya si Enchong sa sex.

At para naman sa mga beking fans ng O Shopping host na si Victor Anastacio, siguradong matutuwa kayo sa mga pinaggagawa niya rito bilang BFF ni Enchong na walang keber na naghubad at naglakad sa kalye nang naka-underwear lang. Siguradong pag-uusapan ng mga manonood ang mga paandar niya sa “Elise”.

Kasama rin pala sa movie ang lola ni Janine na si Pilita Corrales at ang kanyang tita Jackielou Blanco na gumaganap bilang lola at nanay ni Enchong.

Sa panayam kay Direk Joel after ng special screening sinabi nitong based on true accounts ang “Elise” at hango ito sa ilang personal experience. Ginawa raw niya ito para i-share ang kanyang learnings about love.

“The movie talks about love, moving on and loving again, and also finding your purpose in life,” anang direktor.

At tungkol nga sa twist ng “Elise”, kayo na ang bahalang namili kung ano ang ending na gusto n’yo para sa kuwento nina Bert at Elise – kung feel n’yo bang mag-move on na for the future o patuloy na mabuhay sa nakaraan.

Read more...