NGAYONG gabi na ang world premiere ng primetime political romcom series ng GMA 7 na TODA One I Love na pagbibidahan ng well-loved Kapuso onscreen tandem nina Kylie Padilla at Ruru Madrid o mas kilala bilang KyRu.
Mula sa GMA News and Public Affairs, ang TODA One I Love ay sesentro sa buhay ng mga magigiting nating tricycle driver. Tulad ng jeep, sikat na uri rin ng transportasyon sa Pilipinas ang tricycle na sumasalamin sa kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Bukod sa malaki ang bahaging ginagampanan nito sa araw-araw na pag-commute ng maraming Pinoy, ginagamit din ang tricycle para mag-promote ng mga produkto at sa pangangampanya ng mga politiko.
At kung ang tricycle ay may tatlong gulong, sa Toda One I Love, iikot din ang kuwento ng pangarap, pamilya, at pag-ibig sa tatlong bidang sina Gelay, Emong at Kobe na masasangkot sa gulo ng pamumulitika sa loob ng TODA (Tricycle Operators and Drivers’ Association) pati na sa lokal na eleksyon sa pagka-mayor.
Ipasisilip ng TODA One I Love ang estado ng local politics sa bansa—na may halong comedy at romance.
Sa gitna ng latest Kapuso Telebabad offering na ito ay ang palabang si Angela “Gelay” Dimagiba—isang strong-willed at independent young woman na gagampanan ni Kylie Padilla.
Engineering student at anak ng tricycle driver na sina Mang Tolits at Aling Lea si Gelay. Family is everything para sa kanya. Handa niyang isakripisyo ang kanyang pansariling kaligayahan para sa kanyang pamilya.
Bata pa lang, may “secret crush” na si Gelay sa kanyang kaibigang si Emong. Ngunit, itinuturing lamang siya ni Emong bilang nakababatang kapatid nito.
Bibigyang-buhay ni Kapuso heartthrob Ruru Madrid ang karakter ni Raymond “Emong” Magsino. Siya ang anak ni Aling Jane at Mang Jessie, ang kasalukuyang nanunungkulang TODA President. Isang masipag at matiyagang binata si Emong na determinadong umangat sa buhay.
Makikipagsapalaran siya sa ibang bansa upang magtrabaho bilang isang mekaniko. Ngunit magsasara ang papasukan niyang kumpanya kaya mapipilitan siyang bumalik sa Pilipinas.
Pagbalik sa bansa ay madidiskubre niya na ang dating sisiga-sigang si Gelay…sisiga-siga pa rin pero isa nang magandang dalaga! Si Emong naman ang mai-in love sa kanya.
Kaya lang, hindi na siya ang nag-iisang umaali-aligid sa dalaga, nariyan na rin ang guwapo at mala-prince charming na si Kobe na gagampanan ni Chinito hunk David Licauco. Kahit anak siya ni incumbent Mayor Migs at ex-Mayora Dyna T., nagnanais pa rin si Kobe na gumawa ng kanyang sariling pangalan.
Pero teka, bago pa man makaboto si Gelay kung sino ang gusto niya sa dalawang manliligaw, ang eleksyon mismo ng TODA officials ang gugulo sa buhay niya at sa kanyang pamilya!
Makakasama rin dito sina Gladys Reyes, Victor Neri, Jackie Rice, Kim Domingo, Tina Paner, Maureen Larrazabal, at Raymond Bagatsing. Makikitoda rin sina Cai Cortez, Buboy Villar, Archie Alemania, Kimpoy Feliciano, Ayeesha Cervantes at Bruce Roeland.
Ang TODA One I Love ay mula sa direksiyon nina Jeffrey Hidalgo at Nick Olanka at magsisimula nang umarangkada ngayong gabi sa GMA Telebabad.
Samantala, ibinalita naman ni Kylie na maayos ang usapan nila ng kanyang asawang si Aljur Abrenica sa pagbabalik niya sa showbiz. Siyempre, priority pa rin niya ang kanyang asawa at anak na si Baby Alas pero maglalaan din siya ng panahon para sa trabaho.
Love na love pa rin niya ang pag-arte at nagpapasalamat siya sa GMA dahil pinagkatiwalaan pa rin siya ng network at binigyan ng napakagandang proyekto sa primetime. Wala na raw talaga siyang mahihiling pa. Happy na ang kanyang personal life, at buhay na uli ang kanyang career.