WAGI ang pilot episode ng The Boobay And Tekla Show na umere last Jan. 27 sa GMA 7. Tinalo nito ng ilang puntos ang katapat na programang Gandang Gabi Vice.
Siguradong malaki ang naitulong ng guesting ng award-winning Kapuso broadcast journalist na si Jessica Soho na nagsilbing host ng “DNA Test” segment ng show na sikat na sikat sa top-rating GMA show na KMJS.
Winner din sa mga viewers ang segment ng TBATS na “Pranking in Tandem” kung saan umapir naman ang award-winning kontrabida na si Gladys Reyes. Dito “pinagtripan” naman nina Boobay at Tekla ang isang masahista.
Ayon sa inilabas na datos ng AGB Neilsen, nakakuha ang unang pasabog ng The Boobay And Tekla Show ng 5.3% habang ang Gandang Gabi Vice naman ni Vice Ganda ay nakapagtala ng 4.9%.
Ngayong Linggo, siguradong magpapasabog na naman ng sandamakmak na katatawanan at pampa-good vibes ang TBATS sa mga bagong paandar at gimik ng dynamic duo nina Boobay at Tekla.
Abangan ang hatawan challenge kasama ang mga bida ng upcoming Kapuso na series na Kara Mia – sina Jak Roberto, Mika dela Cruz, Paul Salas at Barbie Forteza.
Sa bagong pasabog ng “Pranking in Tandem” makikipag-sabwatan sina Boobay at Tekla kay Barbie, ang kanilang mga biktima – tatlong baguhang artista.
Sa “Sasagutin or Kakainin,” tinanggap ng Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose ang hamon sa pagsagot sa mga controversial questions o kakasa sa pagkain ng “mystery food item. Ano kaya ang kanyang pipiliin?
Iikutin din ng TBATS ang isang kalye sa Metro Manila para tanungin ang mga kababayan natin ng, “Ano ang nagpapaungol sa ‘yo?”
At siyempre, kailangan n’yo ring abangan kung ano ang problemang kailangang sagutin sa “Dear Boobay And Tekla.”
Directed by Rico Gutierrez, The Boobay And Tekla Show airs every Sunday after Kapuso Mo, Jessica Soho.