WAKE-UP call para sa radio and TV news anchor na si Arnold Clavio ang nangyari sa boss niya sa DZBB na si Mike Enriquez. Dumaan sa matinding operasyon sa puso pero balik-trabaho na uli siya ngayon.
“Oo, lahat kami, wake-up call sa amin. Kasi, minsan sa trabaho ‘pag medyo wala namang malaking problema or okey ka naman, nakakalimutan mo ‘yung health mo, e, ‘di ba? Napapabayaan mo kasi nadi-distract ka.
“Like kami, ako balita agad, ano ‘yung gusto kong ibalita sa tao? Ano ‘yung gusto kong iparinig sa kanila. So, napapabayaan mo na rin minsan ang sarili mo,” bungad ni Arnold sa grand launch ng bagong food supplement for memory loss mula sa Korea, ang Brainew PS.
Dapat daw balanse lahat dahil kung si Mike nga raw na napakaselan na sa pagkain ay nagkaproblema pa sa puso, sila pa raw kaya na walang takot sa pagkain.
“Hindi kasi ‘pag inisip mo si Mike kasi bukod sa on-cam siya, may managerial na trabaho rin siya. Tapos every weekend umuuwi siya sa probinsya. So, may mga problema rin ‘yung mga local radio stations. Nai-stress din siya,” dagdag pa ni Igan.
Pero masaya na sila dahil bumalik na ang dating lakas ni Mike na napapanood na uli sa GMA 7 at DZBB. Although, ‘di pa rin masasabi na fully recovered na siya.
“Ay, mahirap masabi, kasi ang bypass buwan ang full recovery niyan, e. Kaya lang makikita mo ‘yung determination sa kanya. Kasi balik-radyo agad, e. Mahirap iwan, e. Pero one hour lang. Mahalaga lang talaga kasi na siya ‘yung sa ‘Ikaw na ba?’ segment (interview sa mga running politicians),” esplika ni Arnold.
Thankful naman si Arnold kay Mike dahil pinayagan sila to endorse certain products sa kanilang program sa DZBB.
“Sa radio meron kaming direct account. So, pinapayagan. Binibigyan kami ni Mike ng two minutes, three minutes, bebenta mo ‘yun. Basta ‘wag lang siya ‘yung major sponsors kasi may advertising agency, pang-GMA network ‘yun. Ang tinutulu-ngan namin maliliit,” sabi pa niya.
And soon, madadagdag na sa ipo-promote ni Arnold sa kanyang radio program ang Brainew PS, “Bago pa lang ang product. Wala pa akong memory loss, ha. Pero kung ita-try bakit hindi? Kasi lahat naman ng in-endorse ko naniwala ako, ‘di ba?”
Sa edad na 53, hindi pa naman siya nag-uulyanin, “Ito naman! Hindi naman ‘yung kung kailan may sakit ka, e. Prevention nga, e. So, habang nagkaka-edad nagkakaroon ng chemical imbalance. So, siya, dine-delay niya.”
Kinausap daw si Arnold ng Brainew na maging endorser dahil listener and viewer ng DZBB ang mga tao behind the product.
Tinanong namin si Arnold kung kabilang na rin siya sa mga mayayamang news anchor sa bansa, “Hindi naman,” tanggi niya. “Nakakariwasa (lang). Ha-hahaha! Hindi. Enough, enough lang. Kasi may foundation din ako, e. ‘Yung IGAN Foundation ko. So, may part ng talent fee ko na committed doon.”
q q q
Aminado si Arnold na galing siya sa mahirap na pamilya at nakatira sa Tondo. Kaya konsolasyon na niya sa buhay ang makatulong, “May fulfilment ka sa loob mo. Kasi like ako, diabetic ako, e. Ang dami kong nakakasabay, minsan sa botika, kulang ‘yung pambili. So, hahatiin ‘yung gamot. Hindi naman effective ‘yun ‘pag hinati mo, ‘di ba?”
Ang tinututukan daw niya ay ‘yung mga Type 1 na bata na mahihirap. Sila raw kasi ‘yung wala nang insulin. Kaya bata pa lang may tendency na mamatay agad.
“Last Christmas namatayan ako, ‘yung bata. Ang Type 1, eto ‘yung ipinanganak, inborn. Si Gary (Valenciano) lang ang nakilala ko na umabot sa ganitong edad. Tsaka kaya niya, kaya niyang suportahan. May pera si Gary,” lahad pa ni Igan.
Sa ngayon may 20 bata na ang natulungan ng foundation niya, “Meron kaming sinusuportahan na mga batang mahihirap na nagki-chemo. Saka ‘yung mga support group ng ‘Adopt A Child With Diabetis’ program ng PGH, sinusuportahan namin ‘yun.
“Kailangan talaga tulungan, e. kasi ang bata, ang hirap kontrolin noon sa pagkain. Drinks, ang tamis noon. ‘Pag wala na ang magulang, aba, sa eskwelahan kanya-kanya na silang kain,” lahad pa ni Arnold.