MGA balikbayan ang source ng kwentong ito tungkol sa isang pamosong aktres. Madalas siyang mag-show nu’n sa iba-ibang bansa.
Bukod sa magaling na siyang aktres ay mahusay pa rin siyang kumanta, kaya ang mga bookings niya nu’n ay talagang punumpuno, halos wala na siyang pahinga.
Kuwento ng aming source, “Ginagawa na lang niyang Quiapo ang malalayong bansa, pabalik-balik siya du’n, siya kasi ang gustong mapanood ng mga kababayan natin.
“Nagalugad na niya ang buong mundo, palagi siyang nagko-concert, ganu’n siya katindi nu’ng sikat na sikat pa siya. Very in-demand siya, wala siyang pahinga sa kabibiyahe.
“Nu’ng minsang mag-show siya sa isang napakalamig na bansa, e, may nangyayaring kalamidad dito sa atin. Maraming kababayan natin ang naging biktima, naghirap ang mga naninirahan sa mga nasalantang probinsiya.
“So, pagkatapos niyang kumanta, e, nagsalita muna siya. Ikinuwento niya ang mga nangyari sa atin dito, talagang nangangailangan daw ng tulong ang mga kababayan natin.
“Natural, maraming nagbigay ng tulong para sa mga kababayan natin. May box na pinaikot ang mga producers kung saan puwedeng maghulog ng tulong ang mga nanonood ng concert ng girl.
“Ang dami-daming nagbigay! Malaking halaga ang nalikom, ibang klase talaga ang lahi natin, marunong mag-share at makisimpatya.
“Ibinigay ng mga prodoo ang datung sa girl, natural, puro dolyares ‘yun, siya na ang pinamahalang magbigay sa mga kababayan nating nangangailangan ng ayuda,” bitin na kuwento ng aming impormanteng balikbayan.
Pagdating dito ng singer-actress ay nagtanong ang mga prodyuser sa kanyang assistant kung saang probinsiya nila ibinigay ang nalikom nilang tulong sa ibang bansa.
Patuloy na kwento ng aming source, “Parang nabubulol sa pagsagot ang PA ng singer-actress, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya, kasi nga, wala naman palang pinagbigyan ng tulong ang boss niyang singer-actress!
“Nakakaloka! Ibinulsa pala ng girl ang nalikom na amount sa concert na pangtulong dapat sa mga kababayan natin. Ibang klase ang babaeng ‘yun, pati datung na hindi naman sa kanya, e, pinakialaman niya!
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, dinala kaya niya ang datung na ‘yun sa isang lugar na mausok at maingay na maraming makina?” pagtatapos ng aming source.