Maine gagastos nang bongga para sa bagong movie ni Arjo


HABANG isinusulat namin ang balitang ito ay maraming nag-aabang sa SM Megamall cinema na mga supporters ni Maine Mendoza.

Nabalitaan kasi nilang may pa-block screening ang dalaga para sa pelikulang “TOL” na pinagbibidahan ng manliliaw niyang si Arjo Atayde, kasama sina Ketchup Eusebio, Jessy Mendiola at Joross Gamboa mula sa Reality Entertainment at idinirek ni Miko Livelo.

Tsika ng aming source, “Ang daming tao rito, mga fans daw na nag-aabang sa Director’s Club, may pa BS (block screening) daw kasi si Maine.”

Sinabihan namin ang tumawag na kunan ng litrato ang venue para makita namin kung totoo ito.

Pero nitong Huwebes ay napaamin namin si Arjo na mag-i-sponsor nga ng block screening si Maine pero hindi na kami sinagot kung saan, anong oras at kung puwede naming ikober.

Sabi lang niya sa amin, “Wag na tita hayaan mo na lang lumabas.”

Ganu’n si Arjo pag sinabi niyang huwag na, hindi mo na siya mapipilit o makukulit pa kaya dedma na lang kami.

Curious tuloy kami kung sinu-sino ang mga imbitado ni Maine sa block screening, kasama kaya ang magulang niya at mga kaibigan? Inimbita rin kaya niya ang kanyang solid fans at ilang AlDub supporters na tanggap si Arjo para sa idolo nila?

Anyway, tungkol naman sa seryeng The General’s Daughter, wala kaming naririnig mula sa mga sumusubaybay sa programa kundi puro papuri dahil ang gagaling daw lahat ng cast.

Naaliw naman ang mga kausap namin kay Arjo dahil ‘yung mga eksenang pangiti-ngiti at patingin-tingin ng binata ay hindi nila akalaing kaya niyang gawin dahil nga nakilalang seryosong magsalita at umarte ang aktor.

May nagtanong nga sa amin kung anong linya ang gustong tahakin ni Arjo – drama ba, comedy o action na sinagot namin ng “lahat” dahil sabi nga ng aktor ay hindi siya namimili ng role o karakter.

“Wala po akong tinatanggihan hangga’t naniniwala silang kaya kong gampanan, gagawin ko,” say ni Arjo.
Abangan ang The General’s Daughter mula Lunes hanggang Biyernes after FPJ’s Ang Probinsyano.

Read more...