2 dancer ni Willie nag-resign na sa Wowowin; trending sa Youtube

PUMALO sa Top 20 trending video sa YouTube ang pamamaalam ng dalawang resident dancers ng Wowowin sa GMA 7 hosted by Willie Revillame.

Sa nasabing viral video, biglang ipinahinto ang “Pera o Kahon” segment ng programa at ibinalita nga ni Willie na pupunta na si Baby Jane sa Singapore para doon na magtrabaho habang si Lyka naman ay natanggap na sa isang airline bilang flight attendant.

Kinantahan muna sila ni Willie bago nagbigay ng mensahe para sa kanyang mga dancers na itinuring na rin niyang mga kapamilya. Dito ibinandera niya ang loyalty ni Baby Jane na nakasama pa niya sa kabilang network.

“Mahal ka namin, Baby Jane. Mami-miss ka namin. Kailangan ho niya kasing umalis kasi tatlo anak niya. Siya’y hiwalay sa asawa, pambayad palang sa apartment, wala na siyang pambayad.

“Even though she’s earning much here sa Wowowin, kulang daw talaga. Sabi ko, ‘kung gusto mo, dito ka, tutulungan ka namin magbayad.’ Nahihiya naman ho siya,” pahayag pa ng TV host-comedian.

Mensahe naman ni Baby Jane, “Wil, thank you sa lahat ng tulong. Hindi ko alam kung paano masusuklian lahat ng tulong na ginawa mo at nilang lahat para sa akin pero sabihin ko na lang na sobra akong nagpapasalamat at na-appreciate ko lahat ‘yun. Thank you. Thank you po sa lahat ng staff, dancers, si Tita (Anna Feliciano), si Kuya.

Ginagawa ko naman ‘to lahat para sa kanila.”

Pagkatapos ni Baby Jane ay tinawag na ni Willie si Lyka na nagdesisyon na ring iwan ang Wowowin, “Siya’y nag-aaral, masipag na bata ito. Nakapasa naman siya sa isang airline. Siya po magpa-flight attendant. Ito’y mabait.

“Ito’y sobrang bait na bata, kasi nag-aaral, tinutulungan niya ‘yung kanyang mga magulang, lolo niya, lola niya siya nag-aalaga. Napamahal na sa akin ito dahil kahit wala siya dito nagte-text siya, ‘Kuya, miss na miss po namin kayo ng lola ko. Okay lang ‘yan, pag may aasenso, dapat masaya tayo,” aniya pa.

Sabi naman ni Lyka, “Thank you po, Kuya. Thank you po sa lahat po ng mga tinulong niyo sa akin, Kuya, ‘tsaka po sa lahat po ng mga sinabi niyo po para hindi po ako kabahan sa mga sayaw namin. Thank you po. Thank you po sa tulong sa lahat po, kahit po doon sa mga binigay niyo po doon sa pagpapaaral ko po. Thank you po, hindi ko po kayo makakalimutan. ‘Tsaka po kay Tita Anna po, thank you po, Tita.”

Ipinagmalaki naman ni Willie na parang tunay na pamilya na ang turingan nila, “Kasi dito po sa Wowowin, pamilya ‘to eh. Pamilya po ito dahil lahat, dito lahat nagmamahal sa programa. Akala niyo puro saya. Sa likod po ng entablado, diyan ang sigawan… kasi bakit? Kasi gusto namin isa lang, pagandahin ang programang ito para sa inyo.”

Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa top trending video pa rin ang nasabing episode ng Wowowin sa YouTube habang mahigit na 700,000 views na ang nahamig nito.

Read more...