INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na mag-asawang Indonesian suicide bombers ang nasa likod ng pambobomba sa Jolo, Sulu kung saan 22 ang nasawi at mahigit 70 iba pa ang nasugatan.
“Ang talagang nagpasabog dun ay Indonesia suicide bombers. Pero yung mga Abu Sayyaf ang nag-guide sa kanila, nag-aral ng target, nagreconnaissance, surveillance at inihatid yung mag-asawa doon sa loob ng simbahan,” sabi ni Año.
Idinagdag ni Año na walang kinalaman ang Bangsamoro Organic Law (BOL) sa nangyaring pambobomba.
“Tapos na yung BOL eh. Dapat kung they’re trying to influence the votes, dapat during or before the BOL. Although alam natin anti-BOL yung Abu Sayyaf at saka yung mga ISIS. But para sa akin, they are after mass casualties and they are after killing Christians to elevate the war into a religious war,” dagdag pa ni Año sa isang ambush interview.
Kinatawan ni Año si Pangulong Duterte matapos namang hindi makadalo sa isinagawang Barangay Summit on Peace and Order sa Palo, Leyte dahil sa hindi maganda ang pakiramdam.