HINAMON ng isang kongresista si Sen. Panfilo Lacson na tumulong sa Kamara de Representantes sa pagpilit sa kanyang mga kapwa senador na ilabas ang listahan ng isiningit nilang mga proyekto sa 2019 budget.
Ayon kay COOP NATCCO Rep. Anthony Bravo, miyembro ng Bicameral Conference Committee, makabubuti kung malalaman din ng publiko ang P190 bilyong insertion ng Senado sa budget.
Sinabi ni Bravo na inilabas ng Kamara de Representantes ang listahan ng pupuntahan ng P51 bilyong pondo na ginalaw nito.
“The senator kept on saying that their amendments were institutional and not individual amendments. If that is so, why are they so afraid of itemizing their amendments? Dahil ba makikita ng publiko ‘yung mga isinali nila o isinaksak nila na billion peso?” tanong ni Bravo.
Sa pagdinig ng bicameral conference committee, sinabi ni Sen. Loren Legarda na isa si Lacson sa naglipat ng P50 bilyong pondo sa budget na bahagi ng P190 bilyon na ginalaw ng Senado.
Pero ayaw tawagin ng mga senador na pork barrel ang mga ginalaw nilang pondo kundi institutional insertions.
“Kung sa House galing ang amendment, ano ang tawag ng publiko including the Senate? Pork po ‘yan. Pag galing po sa Senate anong tawag nila? Institutional amendment ho ‘yan,” punto ni Bravo.
Giit pa ni Bravo malinaw sa simula na nais ng Kamara na isapubliko ang laman ng budget pero ayaw itong gawin ng Senado.
“Our position was clear. Every amendment to the 2019 budget must be known to the public and approved by the senators and congressmen. No media coverage, in our position, no bicam,” dagdag pa ni Bravo. “Senator Lacson did not attend the first bicam… Maybe he was busy. Nagpakita lang po siya sa susunod na session nang malaman na may media coverage.”