School bus sagot sa morning traffic

NAPAPANSIN niyo ba na kung summer at walang eskwela ay napakalaki nang iniluluwag ng trapiko sa Kalakhang Maynila?

Minsan ay naitanong ko na sa sarili ko kung ano ang dahilan nito. At nito ngang nakaraang Pasko ay parang nakita ko na ang rason.

Sa Amerika, ang mga kabataan sa elementary at high school ay obligadong sumakay ng school bus. Naglalakad sila nang malayo upang magtungo sa mga designated bus stops para hintayin ang kanilang school bus.

Ang school bus doon ay malaki. Kasya ang may 50 estudyante mula sa ibat ibang antas ng pag-aaral.

Ngayon, isipin natin sa Metro Manila. Ang mga estudyante ay inihahatid ng mga magulang gamit ang personal na sasakyan nila. Minsan pa, isang bata, isang kotse.

Ganyan kadami ang mga pribadong sasakyan na lumalabas sa umaga at hapon, para maghatid at magsundo ng mga bata mula sa eskwela. Ngayon, isipin natin kung gaano kadami ang sasakyan sa Ortigas at Katipunan sa sistemang ito.

Kung may 15,000 mag-aaral sa Ortigas at mga 25,000 naman sa Katipunan ang laging hinahatid ng kotse, siguro naman nakikita na ninyo kung ano ang epekto nito sa trapiko.

Ngayon, imagine natin na ang mga batang ito ay nakasakay sa school bus at bawat bus ay may sakay na 50 bata? Ano na ang nakikita ninyo?

Ang 15,000 kotse sa Ortigas ay magiging 300 bus at ang 25,000 kotse sa Katipunan ay magiging 500 bus. Biglang wala nang kotse sa mga lansangang ito, nilipat lang natin sa bus ang mga bata.

Sigurado ako na ang argumento ng mga magulang dito ngayon ay ang kaligtasan ng mga bata kapag sakay ng school bus.
Sa Amerika bawal mag-overtake sa school bus na nagbababa o nagsasakay ng bata. Hindi din ito pwede guluhin pag bumibiyahe; ang mga driver nila ay kadalasan ay isa sa mga magulang ng mga bata.

Hindi komplikado ang solusyon, ‘di ba? Isang maayos na school bus service at laking luwag ng mga lansangan sa mga lugar ng pribadong paaralan.

Imbes na kung anong magic ang iniisip para lumuwag ang trapik, bakit kaya hindi ito pag-aralan ng ating kinauukulan?

Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...