Kakaibang powers ng dalawang klase ng tao sa mundo | Bandera

Kakaibang powers ng dalawang klase ng tao sa mundo

Susan K |February 01,2019
facebook
share this

Kakaibang powers ng dalawang klase ng tao sa mundo

Susan K - February 01, 2019 - 12:10 AM

MAY iba’t-ibang klase ng kapangyarihang taglay ang tao. Pero ano nga ba ang mga kapangyarihang ito at bakit dalawang klase lamang sila?

Tulad na lamang ng mga desisyong hindi puwedeng itanong kung bakit.

Totoong-totoo ito sa mga hindi nabibigyan ng visa para sa isang mamamayan na nagnanais maglakbay sa labas ng sariling bansa.

Kung hindi nabigyan ng visa ang isang aplikante, hindi niya puwedeng itanong ang dahilan kung bakit hindi siya nabigyan.

“Prerogative” o espesyal na karapatan o pribilehiyo iyon ng consul o visa officer na tumangging bigyan siya ng visa.

Biro nga ng isang kaibigan, isa sila sa dalawang klase ng tao na napakamakapangyarihan sa daigdig. Ito ang mga consul o visa officers at immigration officers.

Nakasalalay kasi sa kanilang mga kamay kung makakapag-abroad ka o hindi. Kung approval o denial nga ba ang kanilang makukuha.

At ito pa ang matindi. Hindi puwedeng kuwestiyunin ang visa officer. Hindi sila puwedeng ireklamo bakit hindi nabigyan ng visa ang aplikante. Hindi rin sila obligadong magbigay ng sagot o idepensa ang kanilang desisyon.

Paano naman ang mga immigration officers? Kakaiba rin ang kapangyarihang taglay nila.

Nakasalalay rin sa kanila kung palalabasin o papapasukin ang isang manlalakbay o dayuhan sa kanilang bansa.

Hindi nga naman garantiya ang pagtataglay ng visa upang masigurong makakapasok o tatanggapin sa bansang pinuntahan ang isang biyahero. Tanging mga immigration officers lamang ang magsasabi kung papasukin o pababalikin sa bansang pinanggalingan ang dayuhan.

Kaya tama lamang na nagbigay ng paalala kamakailan si Commissioner Jaime Morente hinggil sa napakasensitibong trabaho ng mga immigration officers sa ating Bureau of Immigration.

Ayon pa sa BI spokesperson na si Dana Mengote-Sandoval, kailangang igalang ang mga immigration officers saan man sa mundo dahil anuman ang kanilang desisyon kaya nilang panindigan iyon lalo pa’t naaayon sa batas ang kanilang ipinatutupad.

Hindi rin kapritso sa panig ng mga immigration officers kung halimbawang hindi rin nila payagan ang mga Pilipinong lumabas ng bansa kung kuwestiyonable naman ang kanilang mga dokumento at base sa kanilang “profiling,” hindi nagtutugma ang sagot ng pasahero sa bawat tanong nila.

Bahagi iyon ng pagbibigay proteksyon ng Bureau of Immigration sa ating mga kababayan, dahil posibleng biktima lamang ang naturang pasahero at mabuti nang hindi ito nakalabas ng bansa dahil mas mapanganib na pinayagan siyang makaalis gayong tiyak na kapahamakan naman pala ang naghihintay sa kanila sa abroad.

Madali pang mapanagot ang sinumang nambiktima sa kanila habang narito pa sila sa Pilipinas.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending