2019 PNYG-Batang Pinoy sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex

ANGKININ ang ikalawang sunod na pangrehiyon na korona ang asam ng Davao City sa pagsisimula ng kompetisyon Linggo ng pangunahing torneo na nagsisilbing breeding ground ng mga papaangat na kabataang atleta na 2019 PNYG-Batang Pinoy sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex sa Mankilam, Tagum City, Davao Del Norte.

Sasandigan ng Davao City ang kabuuang 383 katao na delegasyon sa pagnanais nitong mapanatili ang kampeonato ng torneo na para sa mga kabataang atleta na edad 15-anyos pababa na sasabak sa paglalabanang 20 sports na magsisimula sa Pebrero 3 hanggang 9.

Ipinaalam ni Irish Mae Aberilla, mula sa Sports Development Division ng Davao City Mayor’s Office (SDD-CMO), na ang kanilang delegasyon ay binubuo ng 310 atleta, 49 coaches, 21 officials, at tatlong medical staff.

Aasa ang Davao City sa swimming na sasalihan ng 20 lalaki at 18 babae na maiuwi ang mga medalya sa paglahok sa 10th BIMPNT-Eaga Friendship Games sa Brunei Darussalam nakaraang Disyembre pati ang boys and girls basketball at girls futsal teams.

Aasa rin ng gintong medalya ang Davao City sa archery, arnis, athletics, badminton, baseball, boys and girls boxing, chess, dancesports, boys futsal, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, boys and girls indoor volleyball at beach volleyball.

Tampok sa Batang Pinoy Mindanao preliminary leg ang kabuuang 3,553 officially registered athletes mula sa 90 local government units sa rehiyon ng Mindanao. Nakataya rin ang kabuuang 2,593 medalya na may 765 ginto, 765 pilak at 1,063 tanso sa torneo na tinutulungan ng STI College (Tagum) at Alfalink Total Solutions Corp.

Ilan lamang sa mga naging produkto ng Batang Pinoy ang 3-time Olympian na si Hidilyn Diaz, ang World Gymnastics bronze medalist na si Carlos Edriel Yulo, ang Asian Games at Southeast Asian Games medalist na sina Carlo Paalam, Regen Ladon at Eumir Felix Marcial at mga batang miyembro ng track and field team na sina Karen Janario at Veruel Verdadero.

Pangungunahan naman ni Davao del Norte Gov. Anthony Del Rosario ang bilang ng mga opisyales na nakatakdang dumalo sa isasagawa ngayong Linggo na opening ceremonies ng 2019 Batang Pinoy Mindanao leg.

Si Gov. Del Rosario ang magbibigay ng welcoming remarks sa libong kalahok sa isang linggo na torneo na hangad na makahanap ng mga bagong atleta na posibleng makasama sa pambansang koponan.

Makakasama ni Del Rosario sa ganap na alas-3 ng hapon na seremonya sina Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez at PSC Commissioners Charles Maxey, Celia Kiram at Mon Fernandez.

Inimbitahan din si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio upang maging panauhing pandangal at bilang keynote speaker bagaman hindi pa nakukumpirma ang kanyang pagdalo.

Read more...