PINAGBIGYAN ng Sandiganbayan First Division ang hiling ng kampo ni dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na bigyan ito ng 20 araw upang magkomento sa petisyon ng prosekusyon na ipabalik sa kanya at kanyang mga kapwa akusado ang P124.5 milyong pondo na nawala sa gobyerno.
Sa pagdinig, hiniling ni Atty. Estelito Mendoza, abugado ni Revilla, sa korte na bigyan sila ng 20 araw para makapaghain ng komento.
Pinagbigyan ito ng korte at nag-utos na mayroong 10 araw ang prosekusyon para sagutin ang komento na ihahain ng kampo ni Revilla.
Sa inihaing petisyon ng prosekusyon, sinabi nito na dapat maglabas ng utos ng korte at pabayaran na ang P124.5 milyong pondo ng gobyerno sa mga akusado kasama si Revilla.
“[The decision was] based merely on reasonable doubt and not due to the absolute failure of the prosecution to prove his guilt,” saad ng prosekusyon.
Nauna ng sinabi ng kampo ni Revilla na hindi ito dapat pagbayarin dahil siya ay pinawalang-sala ng korte sa kasong plunder.
“Had the Court wanted to exclude Revilla, it could have simply and easily named Cambe and Napoles in the third paragraph, as it did in the first paragraph. It would not have used the collective term accused without exception and distinction,” saad ng prosekusyon.
Guilty ang hatol ng korte kay Janet Lim Napoles at Richard Cambe, dating aide ni Revilla.