HINDI naman sa pagbubuhat ng bangko ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibayong dagat, talagang kinikilala silang magagaling na mga manggagawa, tapat, maaasahan, mapagkakatiwalaan at palaging nangunguna sa listahan ng mga dayuhang employer kung kailangan nilang mamili kung saang bansa manggagaling ang kanilang mga trabahador.
Kaya lang, sa kabila ng magagandang mga katangian na pagkakilala sa OFW, nasisira ito dahil sa ilan naman nating mga kababayan na sadyang mahilig magpalusot o di kaya’y magpapalusot kung lulusot at susubukang gawin ang isang bagay, kahit alam pa nilang hindi i-yon tama at mukhang mahihirapan lamang sila.
Isang magandang katangian kasi ng Pinoy ang laban lang ng laban. Hindi ito sumusuko kahit ano pang suunging giyera.
Kaya lang ito ang maling laban ng Pinoy. Ang pagbabasakali!
Na wala naman ‘anyang masama kung susubukan!
Gayong alam nilang mali sa una pa lang, susubukan pa rin, at baka nga naman makalusot din!
Iyan naman ang hindi magandang ugali ng Pinoy. Mali na nga, susubukan pa!
At ang masama pa niyan, nakakadamay pa siya. Pati ang matitinong mga OFW, nadadamay dahil sa kagagawan ng ilan nating mga kababayan.
Ito rin ang dahilan kung bakit naghihigpit ang maraming mga bansa sa pagbibigay ng visa sa Pinoy. Paano ba naman, kapag nakakuha ng visa, hindi na ito babalik ng Pili-pinas.
Hihintayin na lamang niya ang amnesty program ng bansang pinuntahan at umaasang magiging legal din siya doon. Kahit pa gaano iyon katagal.
Tulad na lamang ng isang Pinoy na tumalon mula sa isang gusali sa Dubai. Ayon sa report, turista itong nagtungo doon. Pero nainip na yata sa pangakong trabaho sa kaniya kung kaya’t nagbalak na lamang magpakamatay. Buti na lamang at hindi siya napuruhan.
Pero hindi pa siya maituturing na OFW, kundi isang turista. Wala siyang legal na mga dokumento na magtatrabaho siya doon.
Sana naman huwag nang ipagpilitan pa ng ating mga kababayan ang anumang mali na umaasang maitatama din iyon paglipas ng panahon.
Maniguro sana sa inyong pag-aabroad dahil buhay ninyo ang nakataya diyan. Huwag magbakasali – Iyan ang maling laban!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapa-kinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com