‘Kahit pagtawanan n’yo ang Kara Mia, baka lumipat din po kayo sa amin!’- Mika

KUNG may mga natutuwa at natatawa sa sandamakmak na memes patungkol sa bagong fantasy drama serye ng GMA, ang Kara Mia, meron din namang nangnenega rito.

Pinagtatawanan ng ilang netizens ang konsepto ng Kara Mia kung saan gaganap ngang kambal sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz – pero ang bago rito ay ang itsura ng kambal na may dalawang ulo pero iisa ang katawan.

Sa nakaraang mini presscon ng serye, natanong sina Barbie at Mika kung ano ang masasabi nila sa mga taong natatawa at nagbibigay ng negatibong komento sa kanilang bagong primetime series.

Ayon kay Mika, “Nakakatuwa kasi siguro sa ngayon, pinagtatawanan nila or dina-doubt nila, or binababa nila na, ‘Ano ba yung ginagawa n’yo?’

“Pero naniniwala kami na kapag nakita nila, dahil naintriga sila, darating ang araw na kahit buli-bulihin n’yo pa ang Kara Mia, o dedma-dedmahin n’yo, sasabihin n’yo rin, ‘Tingnan ko nga!’

“Kahit for the sake na ma-entertain sila at makikita nilang maganda yung story, lilipat din kayo sa amin. Magugustuhan n’yo rin! Naniniwala po kami na malaman yung story and worth it panoorin, worth it bigyan ng story,” diretsong tugon ng Kapuso teen star.

Para naman kay Barbie, magandang senyales ang pagkalat ng napakaraming memes ng Kara Mia. Ibig sabihin, ngayon pa lang ay nag-iingay na ang kanilang programa at marami na ang naku-curious sa tatakbuhin ng kuwento nina Kara at Mia.

“Ang galing, ang galing nang naiisip nilang ideas kasi kahit kami, yun yung tanong naming dalawa ni Mika sa istorya namin! Paano maligo, paano matulog, paano mag-drive, paano ma-in love? Lahat sila ganu’n din yung concern nila.

“At saka yung mga memes, yung mga trailer, ang gagaling! Nag-e-effort talaga sila, at saka feeling ko inaabangan din talaga nila yung Kara Mia.

“Kaya nakakatuwa kasi hindi pa man din kami pinapalabas, kalat na kalat na sa Facebook ang Kara Mia nang wala kaming ginagawa, puro sila lang,” chika ni Barbie.

Hindi rin nahe-hurt o napipikon ang dalaga sa mga kanegahan ng bashers, “Hindi naman po. Sabi nga po ni Miss Hazel (Abonita, program manager ng serye), good or bad publicity is still publicity. Ibig sabihin, pinag-uusapan, yung atensyon nasa amin. So good or bad, we take it, kung anuman yon.”

Read more...