INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlong pagbasa ang legalisasyon ng medical marijuana.
Sa botong 163-5 at tatlong abstention, inaprubahan ng House bill 6517 o ang Compassionate And Right Of Access To Medical Cannabis na akda ni Isabela Rep. Rodito Albano III.
Sinabi ni Albano na maraming pasyente ang matutulungan ng medical cannabis na napatunayan ng mabisa sa ilang sakit gaya ng cachexia o wasting syndrome; severe at chronic pain; severe nausea; seizures kasama ang epilepsy; severe at persistent muscle spasms.
Taliwas sa sinasabi ng mga kritiko, sinabi ni Albano na hindi hihithitin ang medical cannabis na katulad ng ginagawang paggamit ng mga adik.
“Hindi naman ‘yon ang ibibigay na in its raw form. Lagi kong sinasabi again and again na hindi p’wede na in its leaves form at saka lalong-lalo na bawal na hithitin ito. Nasa batas ‘yan,” ani Albano.
Mananatili rin umano iligal ang recreational marijuana at ang mga pasyente na mayroong resita mula sa mga doktor ang makabibili nito mula sa Medical Cannabis Compassionate Centers.
Bawal pa rin umano ang pagtatanim ng marijuana at ang maaari lamang magtanim nito ay ang mga bibigyan ng lisensya ng gobyerno.
Nagsasagawa ng pagdinig ang Senado kaugnay ng panukala.