PATAY ang tatlong lalaki nang makipagbarilan sa mga pulis sa Lemery, Batangas, Martes ng madaling-araw, matapos paputukan ng mga armado ang ilang alagad ng batas sa bayan ng Balayan.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo, na nakuhaan ng tatlong baril at dalawang motorsiklo, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Naganap ang engkuwentro sa bahagi ng Diokno Highway na sakop ng Brgy. Mahabang Dahilig, dakong alas-3:30.
Bago ito, iniwasan ng tatlong lalaking sakay ng dalawang motor ang checkpoint ng pulisya, kaya hinabol ng mga tauhan ng Lemery Police at ilang miyembro ng Provincial Intelligence Branch na magsasagawa sana ng buy-bust operation.
Sa gitna ng habula’y pinaputukan ng tatlo ang mga tumutugis, kaya gumanti ng putok ang mga pulis, ayon sa ulat.
Una pa dito, pinaputukan ng mga armadong lulan ng dalawang motor ang mga pulis na sakay ng isang patrol car sa Brgy. Ermita, Balayan, dakong alas-2:45.
Walang nasugatan sa mga naturang pulis, habang ang mga salari’y namataang tumakas patungo sa direksyon ng Calaca at Balayan.
Dahil sa insidente’y nagpatupad ang pulisya ng “iron curtain,” o pagsasagawa ng checkpoint sa mga kalapit-bayan.
Nakuhaan ang mga napatay na armado sa Lemery ng dalawang kalibre-.45 pistola, isang Ingram machine pistol.
Narekober din sa kanila ang dalawang motor, kung saan isa’y tila kapareho ng ginamit ng mga pumatay sa pulis na si SPO1 Roderick Botavara sa isang resort sa Balayan noon lang nakaraang Nobyembre, ayon sa pulisya.