Binoe saludo kay Direk Adolf Alix: Wala siyang insecurity sa katawan!


PURING-PURI ni Robin Padilla ang director nila sa pelikulang “Bato” na si Adolf Alix, Jr..

Ipinagmalaki niya na pareho sila ng vision sa kanilang proyekto kaya mas naging madali para sa lahat ang kanilang trabaho.

“Si direk Adolf po ay walang insecurities sa katawan, hindi siya nakikipag-discuss sa ‘yo. Kung anong gusto mong execution sa eksena, pababayaan ka niya, ang importante lang mahagip mo ‘yung gusto niya.

“Pag nahagip po, hindi na nagtatagal ang eksena at walang mga options, kasi minsan nakaka-10 option na, hindi pa rin nakukuha, kaya masasabi ko po, hindi pa ito ang huling project ko kay direk Adolf at baka papirmahin ko na siya sa Vidanes (management company ng aktor),” paglalarawan ng aktor sa kanyang bagong direktor.

Kahapon, naibahagi namin ang ilang detalye kung paano nabuo ang “Bato: The Gen. Ronald dela Rosa Story” at kung anu-ano ang role ng mga tinaguriang “ka-batch” ni Binoe sa industriya kabilang na sina Efren Reyes, Jr. at Joko Diaz. Narito pa ang ilang aktor na kasama sa nasabing proyekto.

Kuwento ni Polo Ravales, “I’m so happy to be part of this movie and honored na makatrabaho si kuya Binoe, nagkasama kami before, schoolmate kami nu’ng high school ako at college siya.

“And iba talaga si kuya Binoe, siya ‘yung artistang parang hindi artista, pag nakita mo napaka-down to earth.

“Ang role ko po rito ay si Omar, isang leader ng MNLF, hindi po ganito ang itsura ko sa pelikula, pinaitim po ako roon at nilagyan ako ng wig at ginawa akong terorista,” ani Polo.

Ayon naman sa aktor na si kay Kiko Matos, “Thankful po ako na nakasama ako sa pelikulang ito kasama sina Robin Padilla at silang lahat po. Never in my life na naisip kong makakasama sila, makilala sina tatay Val (Iglesias), kuya Boy (Roque), the original Tarzan. Gumaganap po ako bilang Malaysian terrorist, na nabalita noon na nakilala si General Bato.”

Gaganap naman ni Ricky Davao bilang tatay ni Gen. Bato, “Ako po ang naghubog kay General Bato bilang ama.”

Nasa movie rin si Alyssa Muhlach na anak nina Bong Alvarez at Almira Muhlach, “Gaganap po akong young Nancy. Makikita ninyo sa film na malaki ang katawan ni General Bato, pero he’s really a kind person at kung gaano siya ka-loving na tao.”

Ang gumanap naman na batang General Bato ay si Kiko Estrada, “Nagpapasalamat po ako na napasama ako sa ALV, tita Roselle (Monteverde) and sa Regal, to play young Robin. I just want to learn from everyone on the set, I want to absorb all the knowledge, ang galing po nila.”

Samantala, tulad ni Binoe, may payo rin si Efren Reyes sa mga kabataang artista, “Kayong mga kabataan, kayo ang susunod sa amin, the next guardian of the industry, protect the industry that we loved so much.”

Sabi naman ni Joko, “Sa mga batang artista ngayon, do not lose respect. Respetuhin n’yo lahat ng kasama n’yo sa industriya, ang mga reporters, mga crew, staff, unit lahat ‘yan kasama ‘yan kasi pagdating ng oras hindi naman kayo bumabata, tatanda rin kayo.

“Kapag dumating na kayo sa oras namin at dumating na kayo sa ganitong interview, makikilala mo kaagad kung sino ‘yung mga kasama mo nu’ng una at kapag hindi ka pinapansin, ibig sabihin, hindi maganda ang pinagsamahan ninyo. Kaya respeto po hindi dapat mawala sa isa’t isa mas lalo na sa mga taong tumatangkilik sa inyo.”

Showing na ang “Bato: The General Ronald dela Rosa Story” sa Enero 30 mula sa ALV Films, BENCHingko at Regal Entertainment.

Read more...