Kris hindi nakadalaw sa puntod ni Tita Cory dahil sa bulaklak


HINDI nakarating sa pag-alala sa kaarawan ni dating Pangulong Cory Aquino ang bunsong si Kris. Hindi rin nakarating sa puntod ng kanilang ina ang dating Pangulong Noynoy Aquino.

May trangkaso raw si PNoy, pero si Kris ay walang ibinigay na malinaw na dahilan, ngayon lang nangyari ang ganito na hindi nagsadya sa puntod ng dating pangulo si Tetay.

Bilang bunso ay mas nagpaparamdam ng pagmamahal at pag-alala sa kanyang mommy si Kris, hanggang ngayon ay sugat na walang paggaling ang pagpanaw ng kanyang ina, dala-dala niya ang lungkot kahit saan.

Pero may nakausap kaming source na nagbigay ng paliwanag kung bakit hindi nagpunta sa puntod ng kanyang ina si Kris para dumalo sa misa.

Sabi ng aming source, “Isa sa mga cause ng allergies ni Kris ang bulaklak. ‘Yun ang mahigpit na ipinagbabawal ng mga doctors niya, sobrang sensitive niya sa pollen.

“Maraming nagpadala ng bulaklak sa puntod ni Tita Cory, ang mga relatives nila, ang mga family friends nila. Alangan namang para lang siya hindi magka-allergy, e, ipatanggal nila ang mga flowers sa puntod?

“Hindi naman magandang tingnan na para lang magpunta si Kris, e, kailangang walang mga bulaklak du’n? Nirerespeto nila at pinasasalamatan ang mga nakaalalang magpadala ng bulaklak sa tomb, kaya nag-usap-usap ang magkakapatid na hindi na lang pupunta si Kris,” sabi ng aming source.

Bulaklak ang dahilan. ‘Yun ang pinaiiwasan ng kanyang mga doktor. ‘Yun ang totoong dahilan kung bakit taimtim na lang na nagdasal sa kanyang bahay si Kris para sa kaluluwa ng kanyang ina.

Read more...