HINDI pinagbigyan ng korte ang hiling ni Cebu Rep. Gwendolyn Garcia na maibasura ang kinakaharap na dalawang kaso ng graft at technical malversation kaugnay ng pagbili sa P98.9 milyong Balili Property noong 2008.
Sa botong 3-2, ibinasura ng special division ng Sandiganbayan ang mosyon ni Garcia.
Sa limang pahinang desisyon, sinabi ng korte na wala itong nakitang dahilan upang baliktarin ang desisyon nito noong Nobyembre 19 na hindi nalabag ang kanyang karapatan para sa mabilis na paglilitis.
“After a careful study, the Court rules to deny the motion. There is nothing in the subject Motion that would warrant a reversal of the (assailed resolution) as the movant has not included any new argument,” saad ng desisyon.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagbili ng Cebu provincial government ng 24.92 hektaryang lupa na tinawag na Balili property sa Tiga-an, Naga City, Cebu para sa pabahay. Si Garcia ang gubernador ng probinsya noon.
Ayon sa prosekusyon, 19.67 hektarya ng biniling lupa ay nasa ilalim ng tubig at napatunayan ito sa ginawang survey ng Department of Environment and Natural Resources, ayon sa Ombudsman.
Ang P49.8 milyon sa ipinambayad ay kinuha umano sa Social Services budget ng Cebu.
Ayon kay Garcia nalabag ang kanyang karapatan ng umabot ng tatlong taon bago natapos ng Ombudsman ang preliminary investigation ng mga kaso.
Pero ayon sa prosekusyon natagalan ang preliminary investigation dahil sa mga mosyon na inihain ni Garcia at napakahabang cross examination ng mga abugado nito sa siyam na testigo.