‘No’ para sa criminal liability ng 12-anyos

NITONG nakaraaang linggo, lumusot na sa Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagpapababa sa criminal liability ng mga menor de edad sa 12-anyos mula sa kasalukuyang 15-anyos na dapat lamang tutulan.

Kaliwa’t kanan naman ang reaksyon mula sa pabor at kontra sa panukalang batas.

Para sa mga nagsusulong ng panukalang babaan ang edad ng mga maaari nang parusahang mga bata, pilit nilang pinapawi ang pangamba na maaabuso lamang ang batas sakaling maipasa ito.

Ang isa sa mga pagtiyak ng mga pabor na mambabatas ay hindi naman sila maisasama sa mga halang ang kaluluwang mga kriminal.

Iginiit pa ng mga nagpapanukala na magtatayo ng mga ‘Bagong Pag-asa’ na siyang pagdadalhan sa mga menor-de-edad na mahuhuli na sangkot sa mga krimen.

Ayon pa sa mga kongresista na nagsusulong sa panukalang batas, magtatayo sa kada lugar ng ‘Bahay Pag-asa’ na kung saan ang DSWD umano ang magpapatakbo sa mga ito.

Ilang batas na nga ba ang hindi napopondohan dahil sa kawalan ng pondo o suporta mula sa gobyerno?

Bukod pa rito, alam naman nating may butas ang ating justice system kung saan hindi nagiging patas ang batas para sa mga walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili at pinapaboran ang mga maykaya.

Kagaya ng mga panukalang ibalik ang death penalty sa bansa, maaari lamang ipatupad ang pagpapababa ng edad na maaaring makasuhan kung maayos na ang justice system sa bansa.

Mas dapat papanagutin ang mga magulang na nag-uudyok sa kanilang anak na gumawa ng masama.
Ang dami pang problema ng bansa na dapat unahin imbes na ang pinupuntirya ay mga
bata.

Isa sa mga nananatili pa ring problema sa bansa ay ang iligal na droga, na kahit anong mga babala ng gobyerno ay tila wala pa ring takot ang mga sangkot dito.

Nasa kamay na ng Senado kung aayunan ang bersyon ng Kamara kaugnay ng criminal liability para sa mga bata.

Umaasa pa rin tayo na hindi dahil sa pressure kayat mapipilitan ang mga senador na umayon sa bersyon ng Kamara.

Read more...