BILANG isang artista, ngayon lang masasabi ni Robin Padilla na “ganap” na ang kanyang pagkaaktor matapos gumanap bilang si Gen. Ronald dela Rosa sa life story nito.
“Sa dinami-rami na kasi ng ginawa kong pelikula, lalo na sa kung saan ako nakilala (action movies), ngayon ko lang naranasan ‘yung mga eksenang hagulgulan. Pinahagulgol po ako ng todo ni direk (Adolf Alix) dito dahil importanteng bahagi ng pagkatao ni Gen. Bato ‘yung kakaiba niyang pag-iyak,” paliwanag ni Robin.
Ang ikalawang kinarir daw niya sa movie ay ang paglakad ng heneral lalo pa’t may kakaiba raw itong tatak, “It’s all a matter of interpretation. Nang tanggapin ko nga ito dahil bukod sa maganda ang script at endorsed by no less than Sen. Manny Pacquiao, inalam ko talaga ang pagkatao ni Gen. Bato. At gaya ni Sen. Pacquiao, inspiring ang buhay niya at ginamit din niya ang kanyang tapang at pananalig sa Diyos para umangat ang buhay nila.
“Sa pisikal na anyo, hindi ko kayang magaya si Gen. Bato, pero nagkaintindihan kami ni direk sa klase ng interpretation na nais kong gawin. Kaya hayun, natuloy ang paggawa ng movie at ginagarantiya naming lubos ninyo pang makikilala si Gen. Bato sa pelikulang ito,” lahad pa ni Robin.
At dahil magsisimula na ang campaign para sa midterm elections starting Feb. 12, ipalalabas na ang movie sa Jan. 30 to avoid electioneering protest at iba pang election-related concerns.
Ang ALV ni Arnold Vigafria ang producer ng pelikula to be released by Regal Films. Co-producer din dito si Jayke Joson, ang isa sa mga long-time friends ni Pacquiao.
At dahil naaliw si Roselle Monteverde sa trailer ng “Bato” at sa sinabi ni Robin na matagal na rin niyang gustong matawag na Regal Baby, huwag daw tayong magulat if sooner or later ay gumawa na rin ng pelikula ang aktor sa Regal Films.